ICI, humirit ng bagong lookout order laban sa 19 pang katao kaugnay ng ‘ghost projects’
Marijo Farah A. Benitez Ipinost noong 2025-10-16 12:13:42
OKTUBRE 16, 2025 — Nagpadala ng panibagong kahilingan ang Independent Commission for Infrastructure (ICI) sa Department of Justice (DOJ) para sa Immigration Lookout Bulletin Order (ILBO) laban sa 19 katao na umano’y sangkot sa mga kuwestiyonableng proyekto sa flood control.
Ayon sa ICI, isinampa ang request noong Oktubre 13, kasunod ng mas malawak na imbestigasyon sa mga tinaguriang “ghost infrastructure projects” na pinondohan ng gobyerno.
Kabilang sa mga bagong isinama sa listahan ay si dating Caloocan Rep. Mary Mitzi “Mitch” Cajayon-Uy at negosyanteng si Arturo “Art” Atayde. Pareho na silang nauna nang nasangkot sa mga ulat ng anomalya sa flood control program.
Narito ang kumpletong listahan ng mga indibidwal na nais patawan ng ILBO:
- Mary Mitzi “Mitch” Cajayon-Uy
- Arturo “Art” Atayde
- Alvin Tan
- Bong Marasigan
- Elmer de Leon
- Ed Fuentebella
- Johnny Santos
- John Mary Vianney Parago
- Alvin Mariano
- Ryan Uy
- Darryl Recio
- Nestor Venturina
- Benjie Tocol
- Romeo “Bogs” Magalong Jr.
- District Engr. Ramon Devanadera
- District Engr. Johnny Protesta Jr.
- District Engr. Aristotle Ramos
- District Engr. Michael P. Rosaria
- Engr. Angelita Garucha
Nauna nang naglabas ng ILBO ang DOJ noong Oktubre 8 laban sa ilang prominenteng personalidad, kabilang sina dating House Speaker Martin Romualdez, Senador Francis “Chiz” Escudero, Jinggoy Estrada, Joel Villanueva, at dating Senador Bong Revilla at Nancy Binay.
Sa inilabas na pahayag ng ICI, sinabi nitong layunin ng ILBO na “to ensure that individuals linked to non-existent or incomplete projects are prevented from leaving the country” (masigurong hindi makalabas ng bansa ang mga taong may kinalaman sa mga proyektong hindi natapos o hindi umiiral).
Patuloy ang pagbusisi ng ICI sa mga dokumento, kontrata, at pondo ng mga proyektong pinondohan ng gobyerno na umano’y hindi naman naipatupad.
(Larawan: Facebook)