Bagong QC jail, itinalagang kulungan ng mga akusado sa flood-control case
Margret Dianne Fermin Ipinost noong 2025-10-20 17:37:38
Oktubre 20, 2025- Inihayag ng Department of the Interior and Local Government (DILG) na handa na ang bagong Quezon City Jail sa Payatas upang tanggapin ang mga indibidwal na posibleng masangkot sa multibilyong pisong flood control corruption scandal.
Ayon kay DILG Secretary Jonvic Remulla, inaasahan ng ahensya na mahigit 200 katao ang maaaring ma-indict sa loob ng tatlong linggo kaugnay ng kontrobersyal na proyekto. “I want to show that the BJMP is ready, the facilities are ready, that we will not back down from our obligation to fulfill our duties as in-charge of all the prisons here in the Philippines,” pahayag ni Remulla sa isang press conference matapos inspeksyunin ang pasilidad.
Ang bagong kulungan ay may kapasidad na 800 detainees at itinuturing na pinakamalapit na Bureau of Jail Management and Penology (BJMP) facility sa Sandiganbayan, kung saan inaasahang isasagawa ang mga paglilitis.
“The court has the jurisdiction kung saan pwede ikulong ang mga accused. Hindi po kami ang magsasabi kung saan sila ilalagay. Pero ayon sa batas, kung sa Sandiganbayan ang venue ay ito na ang pinakamalapit na [BJMP] facility,” dagdag ni Remulla.
May 80 unoccupied rooms ang pasilidad, bawat isa ay may kakayahang tumanggap ng 10 persons deprived of liberty. Bukod sa mga bunk beds, may sariling banyo, shower, purified drinking water, exercise area, at private quarters para sa konsultasyon ng mga detainee sa kanilang legal counsel. Hindi pinapayagan ang cellphone, tablet, at iba pang communication devices, maliban sa landline na maaaring gamitin sa ilalim ng supervision ng BJMP.
Pinapayagan din ang mga bisita na magdala ng lutong pagkain limang beses sa isang linggo, maliban tuwing Lunes at Biyernes. Tiniyak ng DILG na hiwalay ang mga selda para sa kalalakihan at kababaihan upang maiwasan ang pagsasama ng magkapareha sa iisang kwarto.
Ang hakbang na ito ay bahagi ng mas malawak na kampanya ng pamahalaan laban sa katiwalian sa mga proyekto ng imprastruktura, partikular sa flood control program ng Department of Public Works and Highways (DPWH).
Larawan mula sa Quezon City Government