Diskurso PH
Translate the website into your language:

Bakal, bumulusok sa basement ng ginagawang gusali sa BGC; 1 patay, 3 sugatan

Marijo Farah A. BenitezIpinost noong 2025-10-20 18:06:06 Bakal, bumulusok sa basement ng ginagawang gusali sa BGC; 1 patay, 3 sugatan

OKTUBRE 20, 2025 — Isang construction worker ang nasawi habang tatlo ang nagtamo ng sugat matapos gumuho ang bahagi ng elevator shaft sa ikalawang basement ng isang ginagawang gusali sa Bonifacio Global City nitong Lunes ng umaga.

Ayon sa ulat ng Taguig City Police, bandang alas-10 nang bumigay ang slab ng elevator habang nagkakabit ng bakal ang apat na steel men sa ilalim ng gusali sa 34th Street. Ang naturang site ay itinatayo bilang bagong headquarters ng isang kilalang clothing brand.

Agad na isinugod sa St. Luke’s Medical Center ang mga biktima. Isa sa kanila ang idineklarang dead on arrival, habang ang tatlo ay nasa ligtas nang kalagayan.

“Pumunta nga tayo diyan sa site kanina and we coordinated with the Monolith Construction, then we made sure na apat lang talaga ‘yan and they cleared it naman. Nag-clear na ‘yong area, naitakbo naman nila agad ‘yong mga involved na workers nila sa ospital,” pahayag ni Col. Byron Allatog, hepe ng Taguig City Police. 

Itinigil pansamantala ang operasyon sa construction site habang isinasagawa ang imbestigasyon. Inaasahan ang pagbisita ng mga kinatawan mula sa lokal na pamahalaan at mga regulatory agency upang suriin ang mga safety protocol ng proyekto.

“We don’t know kung ano talaga – kung it’s really an accident or may mga fault ‘yong safety officers natin din. ‘Yan po ‘yong iimbestigahan natin,” dagdag ni Allatog. 

Samantala, tiniyak ng Monolith Construction and Development Corporation na sasagutin nila ang lahat ng gastusin ng mga biktima.

“Buo naman po ‘yong safety measures ho namin. Sa ngayon, ini-investigate pa ho namin kung ano ‘yong talagang nangyari, bakit nadagagan sila,” ayon kay Engr. Harley Tagatac, area manager ng kompanya. 

(Larawan: Philippine News Agency)