Korapsyon umakyat sa top concern ng bayan, lagpas pa sa presyo ng bilihin
Margret Dianne Fermin Ipinost noong 2025-10-20 17:37:49
Oktubre 20, 2025 - Tumaas ang antas ng pagkabahala ng mga Pilipino sa isyu ng korapsyon, ayon sa pinakabagong Tugon ng Masa survey ng OCTA Research Group. Sa resulta ng survey na isinagawa noong Setyembre 2025, lumitaw na 31% ng mga Pilipino ang nagbanggit ng korapsyon bilang isa sa kanilang pangunahing pambansang alalahanin — isang pagtaas mula sa 13% noong Hulyo.
Ayon sa OCTA, ito ang unang pagkakataon na pumasok ang korapsyon sa top five national concerns ng publiko mula nang simulan ang serye ng mga survey noong 2021.
“The sharp rise in corruption concerns indicates a growing public demand for integrity and accountability in government, as Filipinos increasingly turn their attention from just economic concerns to issues of governance,” pahayag ng OCTA.
Nananatiling pangunahing alalahanin ng mga Pilipino ang pagtaas ng presyo ng mga pangunahing bilihin, na binanggit ng 48% ng respondents. Sinundan ito ng korapsyon sa ikalawang puwesto, habang ang access sa abot-kayang pagkain gaya ng bigas, gulay, at karne ay nasa ikatlong puwesto (31%), at ang pagpapataas ng sahod ng mga manggagawa ay nasa ikaapat (27%).
Pinakamalakas ang panawagan laban sa korapsyon sa National Capital Region, kung saan 53% ng respondents ang nagsabing ito ang isa sa kanilang pangunahing alalahanin. Samantala, pinakamababa ang bilang sa Mindanao na may 18% lamang.
Ang pagtaas ng public concern ay iniuugnay sa mga kontrobersyal na isyu gaya ng anomalya sa flood control projects ng Department of Public Works and Highways (DPWH) at mga sunod-sunod na protesta na nagsusulong ng transparency at pananagutan sa pamahalaan.