Diskurso PH
Translate the website into your language:

Palasyo: AFP dapat aralin isyu sa pag-alis ng pensyon ng retiradong opisyal

Margret Dianne FerminIpinost noong 2025-10-20 17:37:42 Palasyo: AFP dapat aralin isyu sa pag-alis ng pensyon ng retiradong opisyal

Oktubre 20, 2025 - Nilinaw ng Malacañang na nasa Armed Forces of the Philippines (AFP) ang responsibilidad na pag-aralan ang isyu kaugnay ng posibilidad ng pag-alis ng buwanang pensyon ng mga retiradong opisyal at tauhan ng militar, lalo na kung sila ay sangkot sa pagpapakalat ng maling impormasyon o mga pahayag na maaaring mag-udyok ng sedisyon.

“Sa ngayon po ay wala naman pong masasabi kung ano ang tugon ng Pangulo patungkol diyan at ang issue po na iyan ay sa AFP at kung mayroon silang aaralin, dapat muna po sigurong aralin,” pahayag ni Palace Press Officer Undersecretary Atty. Claire Castro sa isang press briefing.

Ang pahayag ay kasunod ng mga ulat na may ilang retiradong opisyal ng militar ang nagpapakalat ng maling balita at sedisyosong pahayag sa social media. Kaugnay nito, sinabi ng AFP na kasalukuyan nilang nire-review ang military pension system at ang posibilidad ng pagsasampa ng kaso sa ilalim ng court martial laban sa mga retiradong sundalo na lumalabag sa batas.

Gayunpaman, mariing itinanggi ng AFP ang mga kumakalat na balita na may direktiba mula sa Pangulo na alisin ang pensyon ng mga retiradong sundalo. “The AFP categorically states that there is no such directive, statement, or policy from the President or any government agency,” ayon sa opisyal na pahayag ng AFP. 

Dagdag pa nila, “On the contrary, the administration has consistently expressed its fullest support for our men and women in uniform, including the protection and sustainability of their pension and benefits”.

Ipinaalala rin ng AFP na ang pensyon ng mga retiradong sundalo ay protektado sa ilalim ng umiiral na batas at maaari lamang itong bawiin kung may hatol ng korte matapos ang due process. “No official can arbitrarily remove or withhold such pension,” giit ng AFP.