Skyway sa Cebu, isinusulong ni Archival para maibsan ang trapik
Marijo Farah A. Benitez Ipinost noong 2025-10-20 17:36:06
OKTUBRE 20, 2025 — Isinusulong ni Cebu City Mayor Nestor Archival ang pagtatayo ng skyway sa Banilad-Talamban corridor bilang tugon sa matinding trapik na araw-araw na nararanasan sa M. Cuenco Avenue.
Ayon sa alkalde, ang elevated road project ay bahagi ng mas malawak na plano para gawing “smart, sustainable, at inclusive” ang lungsod pagsapit ng 2035.
Target nitong maibsan ang siksikang daloy ng trapiko sa Ban-Tal area, kung saan tinatayang 65,000 hanggang 80,000 sasakyan ang dumaraan tuwing umaga at hapon, karamihan ay motorsiklo.
“Ang trapik sa Ban-Tal ay hindi na biro. Kailangan na natin ng konkretong solusyon,” pahayag ni Archival.
Bukod sa North District, plano ring magpatayo ng ikalawang skyway mula Bulacao patungong City Center sa South District. Ang proyekto ay popondohan sa ilalim ng public-private partnership, bagamat wala pang inilalabas na detalye tungkol sa pondo o toll system.
Simula nang maupo si Archival, idineklara na ang Ban-Tal bilang “discipline zone,” kung saan ipinatupad ng Cebu City Traffic Office (CCTO) ang mas mahigpit na batas-trapiko, rerouting, at truck ban. Kamakailan, binago rin ang ruta ng mga pampasaherong sasakyan upang iwasan ang Talamban Gym junction tuwing oras ng dagsa.
Habang hindi pa naisasakatuparan ang skyway, pinag-aaralan ng CCTO ang paglalagay ng motorcycle lanes, mas maayos na koneksyon sa iba’t ibang uri ng transportasyon, at paggamit ng smart traffic systems.
Kasama rin sa long-term urban plan ng lungsod ang cable car system, pedestrian sky bridges, e-traffic citation system, at disaster-resilient infrastructure.
“Hindi lang ito tungkol sa trapik. Gusto nating gawing mas ligtas, mas mabilis, at mas makatao ang paggalaw sa Cebu,” giit ni Archival.
(Larawan: Nestor Archival | Facebook)