Diskurso PH
Translate the website into your language:

Pasig River Esplanade Phase 4, bukas na sa publiko

Marijo Farah A. BenitezIpinost noong 2025-10-20 17:23:56 Pasig River Esplanade Phase 4, bukas na sa publiko

OKTUBRE 20, 2025 — Binuksan na sa publiko simula nitong Lunes, Oktubre 20, ang Phase 4 ng Pasig River Esplanade, isang 530-metrong pasyalan mula Manila Central Post Office hanggang Arroceros Forest Park. Pinangunahan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. at Unang Ginang Liza Araneta-Marcos ang pormal na pagbubukas nitong Linggo ng gabi.

Bahagi ito ng Pasig Bigyang Buhay Muli (PBBM) Project sa ilalim ng Pasig River Urban Development (PRUD) program, na layong pagsamahin ang urban renewal, kalikasan, kasaysayan, at kabuhayan.

May mga bagong lakaran, bike lane, tulay, viewing deck, at commercial spaces sa lugar. Libre itong bukas sa publiko at konektado sa mga naunang bahagi mula Fort Santiago, Intramuros, Plaza Mexico, Liwasang Bonifacio, hanggang Arroceros.

“Sometimes, progress means bringing something beautiful back to life,” ani Marcos sa kanyang talumpati. 

(Minsan, ang pag-unlad ay ang pagbuhay muli dati nang maganda.)

Ayon sa Pangulo, 63 informal settler families ang nailipat na sa Naic, Cavite, kung saan may mas maayos na tirahan at serbisyo.

Bukod sa pasyalan, ilulunsad sa Nobyembre ang MV Lalay — ang kauna-unahang locally-designed electric ferry sa bansa, gawa ng Department of Science and Technology. Layunin nitong bawasan ang polusyon at magbigay ng alternatibong transportasyon sa ilog.

Sinimulan na rin ang pilot testing ng ClearBot, isang solar-powered AI vessel na tumutulong sa paglilinis ng ilog. Kasama ito sa mga hakbang para sa river sustainability.

May plano rin ang pamahalaan na gawing green space ang Intramuros Golf Course, ayusin ang Lawton Underpass para sa mas ligtas na lakaran, at buhayin muli ang Plaza Calderon.

“Just like in earlier phases, this portion is also open for the small and medium businesses to give them new ground to grow,” dagdag ni Marcos. 

(Tulad ng mga naunang bahagi, bukas din ang bahaging ito para sa maliliit na negosyo upang mabigyan sila ng bagong pagkakataong lumago.)

Ginawaran ng 2025 UN Asian Townscape Award ang proyekto bilang modelo ng sustainable urban development.

(Larawan: Presidential Communications Office)