Diskurso PH
Translate the website into your language:

AFP, bumuwelta kay Barzaga sa paratang ng ‘ghost projects’

Marijo Farah A. BenitezIpinost noong 2025-10-24 13:35:35 AFP, bumuwelta kay Barzaga sa paratang ng ‘ghost projects’

OKTUBRE 24, 2025 — Mariing itinanggi ng Armed Forces of the Philippines (AFP) ang alegasyon ni Cavite Rep. Francisco “Kiko” Barzaga Jr. tungkol sa umano’y P15-bilyong “ghost projects” sa ilalim ng programang Tatag ng Imprastraktura para sa Kapayapaan at Seguridad (TIKAS).

Sa isang pahayag, iginiit ng AFP na walang batayan ang paratang ni Barzaga at posibleng nagmula ito sa maling impormasyon sa social media: “The claim circulating online and echoed by Representative Kiko Barzaga appears to have been based on false or misleading information that has been proliferating on social media.” 

(Ang kumakalat na paratang online na inulit ni Rep. Kiko Barzaga ay tila nakabatay sa maling impormasyon na lumalaganap sa social media.)

Nilinaw ng AFP na hindi ito humahawak ng pondo sa TIKAS projects. Ang Department of Public Works and Highways (DPWH) ang may kontrol sa bidding, konstruksyon, at inspeksyon. Tanging rekomendasyon sa mga pasilidad gaya ng barracks, ospital, training grounds, at access roads ang papel ng AFP.

Kapag natapos ang proyekto, saka ito pormal na isinasalin sa AFP. 

“We continue to work closely with the DPWH and other government agencies to ensure that every infrastructure project serves the welfare of our troops and the needs of national defense,” dagdag pa ng pahayag.

(Patuloy kaming nakikipagtulungan sa DPWH at iba pang ahensya upang matiyak na ang bawat proyekto ay para sa kapakanan ng tropa at pambansang seguridad.)

Kasabay nito, binalaan ng AFP ang mga opisyal ng gobyerno na mag-ingat sa pagbibitiw ng akusasyon nang walang sapat na beripikasyon.

(Larawan: Armed Forces of the Philippines)