Tuberculosis sa Naga City, patuloy na tumataas; Pinakabatang kaso, 5 taong gulang
Robel A. Almoguerra Ipinost noong 2025-10-24 23:06:17
NAGA CITY — Umabot na sa mahigit 500 ang mga pasyenteng tinututukan ng National TB Control Program (NTP) sa Naga City ngayong 2025, ayon sa ulat ng lokal na pamahalaan. Pinakabata sa mga tinamaan ng sakit ay limang taong gulang at siyam na taong gulang, habang 86 anyos naman ang pinakamatanda. Inaasahan pang tataas ang bilang na ito kung magpapatuloy ang pagkakahawaan sa loob ng mga pamilya.
Ayon kay Delmari Carpio Novelo, NTP City Coordinator, ang datos ay bahagi ng kanilang patuloy na monitoring sa mga pasyenteng may Tuberculosis (TB), kasabay ng isinagawang Tuberculosis Awareness Activity sa Barangay Balatas kamakailan.
Ipinaliwanag ni Novelo na lubos na mahalaga ang regular na pag-inom ng gamot at tuloy-tuloy na pagpapatingin sa mga health center upang makontrol ang pagkalat at komplikasyon ng TB. Dagdag pa niya, nagiging delikado at maaaring ikamatay ng pasyente ang sakit kapag pinabayaan at hindi nasunod ang tamang gamutan.
Patuloy na hinihikayat ng City Health Office ang mga residente ng Naga na magpa-checkup agad kung nakararanas ng matagal na pag-ubo, lagnat, o panghihina, upang maagapan at maiwasan ang pagkalat ng sakit sa komunidad. (Larawan: MedlinePlus / Google)
