Walang pasok sa Oktubre 27–30: DepEd magpapatupad ng ‘wellness break’
Robel A. Almoguerra Ipinost noong 2025-10-24 23:36:33
OKTUBRE 24. 2025 — Opisyal nang idineklara ng Department of Education (DepEd) ang apat na araw na Wellness Break para sa mga estudyante at guro sa buong bansa, mula Lunes hanggang Huwebes (Oktubre 27–30, 2025).
Layunin ng Wellness Break na bigyan ng sapat na panahon ang mga mag-aaral at mga guro upang makapagpahinga at makabawi sa gitna ng sunod-sunod na kalamidad at patuloy na banta ng influenza-like illnesses (ILI) sa iba’t ibang rehiyon ng bansa.
Ayon sa DepEd, ang hakbang na ito ay bahagi ng kanilang mental health and well-being initiative para mapanatili ang maayos na kalusugan at kahandaan ng mga guro at mag-aaral bago ipagpatuloy ang klase.
Kasabay nito, Oktubre 31, 2025 (Biyernes) ay idineklara rin bilang special non-working holiday, bilang paghahanda sa paggunita ng Undas 2025.
Dahil dito, magkakaroon ng mahigit isang linggong pahinga ang mga mag-aaral at kawani ng DepEd bago ang pagbabalik ng klase sa Nobyembre 3, 2025 (Lunes).
Pinapaalalahanan naman ang lahat ng paaralan na gamitin ang panahon ng wellness break sa pag-aalaga ng kalusugan, quality family time, at pagpapahinga mula sa stress ng akademikong gawain. (Larawan: Doktora Helen Tan / Facebook)
