Tingnan: Kanlaon Volcano, muling pumutok. Plume, umabot sa 2,000 metro
Robel A. Almoguerra Ipinost noong 2025-10-24 23:27:12
NEGROS ORIENTAL — Isang minor explosive eruption ang naitala sa tuktok ng Kanlaon Volcano noong gabi ng Oktubre 24, 2025, ayon sa ulat ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology (PHIVOLCS).
Batay sa time-lapse footage mula sa IP cameras ng observation station sa Lower Masulog, Canlaon City (VKLM), nagsimula ang pagsabog dakong 8:05 ng gabi at tumagal hanggang 8:08 ng gabi. Naglabas ang bulkan ng eruption plume na umabot sa taas na humigit-kumulang 2,000 metro mula sa bunganga bago ito kumalat pahilagang-kanluran.
Bukod dito, nakuhanan din ng video ang pagbaba ng pyroclastic density currents (PDCs) o mainit na daloy ng abo at bato sa katimugang bahagi ng bulkan, na umabot sa halos isang kilometro mula sa summit crater.
Ayon sa PHIVOLCS, nananatili sa Alert Level 2 ang Kanlaon, na nangangahulugang may nagaganap na “moderate level of unrest.” Posible pa ring magkaroon ng mga panibagong pagsabog dahil sa paggalaw ng magma at presyon sa ilalim ng bulkan.
Pinapayuhan ng ahensya ang mga residente at mga turista na mahigpit na iwasan ang 4-kilometrong permanent danger zone dahil sa panganib ng biglaang pagsabog at pagdaloy ng PDCs.
Patuloy namang mino-monitor ng PHIVOLCS ang aktibidad ng Kanlaon Volcano at inaabisuhan ang publiko na manatiling mapagmatyag sa mga opisyal na abiso at huwag maniwala sa mga kumakalat na impormasyong walang beripikasyon.
Ang Kanlaon ay isa sa mga pinakaaktibong bulkan sa bansa, na matatagpuan sa hangganan ng Negros Occidental at Negros Oriental. Sa mga nakaraang taon, ilang beses na rin itong nagpakita ng maikling pagsabog at nagbuga ng abo, dahilan upang manatiling alerto ang mga awtoridad sa paligid ng bulkan. (Larawan: PHIVOLCS-DOST / Facebook)
