Diskurso PH
Translate the website into your language:

Aksidente sa Atimonan: Patay ang isang kagawad matapos ang banggaan ng van at motorsiklo

Robel A. AlmoguerraIpinost noong 2025-10-24 23:55:17 Aksidente sa Atimonan: Patay ang isang kagawad matapos ang banggaan ng van at motorsiklo

ATIMONAN, QUEZON — Trahedya ang sumalubong sa isang barangay kagawad matapos itong masawi sa banggaan ng minamaneho niyang motorsiklo at isang van sa kahabaan ng Maharlika Highway, Barangay Tinandog, Atimonan, Quezon, pasado alas-9:30 ng gabi noong Oktubre 23.

Kinilala ng mga awtoridad ang biktima bilang isang 52-anyos na kagawad ng barangay na residente rin ng nasabing bayan. Batay sa imbestigasyon ng pulisya, nag-overshoot umano ang motorsiklo sa isang kurbada at tumawid sa kabilang linya ng kalsada, dahilan upang sumalpok ito nang direkta sa paparating na van.

Sa lakas ng banggaan, wasak ang motorsiklo at nagtamo ng matitinding sugat ang biktima. Agad siyang isinugod ng mga rumespondeng rescuers sa pinakamalapit na pagamutan, ngunit idineklara itong dead on arrival ng mga doktor.

Samantala, ligtas naman ang driver ng van ngunit patuloy siyang iniimbestigahan ng pulisya upang alamin ang buong detalye ng insidente.

Patuloy ang paalala ng mga otoridad sa mga motorista na magdoble-ingat, lalo na sa mga kurbadang bahagi ng kalsada sa Maharlika Highway na kilalang madalas pangyarihan ng mga aksidente. (Larawan: Quezon PNP / Facebook)