Diskurso PH
Translate the website into your language:

Dizon: Sa kulungan magpa-Pasko ang mga tiwaling opisyal

Margret Dianne FerminIpinost noong 2025-10-24 16:57:02 Dizon: Sa kulungan magpa-Pasko ang mga tiwaling opisyal

MANILA — Inaasahan ni Department of Public Works and Highways (DPWH) Secretary Vince Dizon na ang mga sangkot sa mga kaso ng korapsyon sa flood control projects ay maaaring makulong bago mag-Pasko.

“Sa tingin ko, sa kulungan na sila magpa-Pasko niyan,” pahayag ni Dizon sa panayam ng GMA Integrated News’ Unang Balita noong Biyernes, Oktubre 24.

Ang pahayag ay kaugnay ng mga reklamong isinampa ng DPWH sa Office of the Ombudsman laban sa 21 opisyal ng ahensya at dalawang contractor dahil sa mga anomalya sa flood control projects sa La Union at Davao Occidental.

Kabilang sa mga proyekto ang ₱96.5 milyong ghost projects sa Davao Occidental at dalawang phase ng flood control sa La Union na tig-₱89.7 milyon ngunit hindi natapos.

Ayon kay Dizon, ang mga kasong isinampa ay may halagang lampas sa ₱8.8 milyon, kaya’t itinuturing na non-bailable at maaaring humantong sa habambuhay na pagkakakulong.

Kabilang sa mga tinukoy na “person of interest” ay si Benguet Rep. Eric Yap, na umano’y may kaugnayan sa Silverwolves Construction — isa sa mga kumpanyang nakatanggap ng pondo para sa proyekto sa La Union. Bagama’t sinasabing nag-divest na si Yap, may hinala pa rin ang Ombudsman na siya ang “beneficial owner” ng kumpanya.

Patuloy ang imbestigasyon ng Ombudsman at DPWH, habang umaasa ang publiko na magkakaroon ng pananagutan ang mga sangkot sa mga proyektong hindi natapos ngunit fully paid na.