Duterte bigong harangin ang ICC jurisdiction sa crimes against humanity case
Margret Dianne Fermin Ipinost noong 2025-10-24 07:46:54
THE HAGUE — Tinanggihan ng International Criminal Court (ICC) ang hamon ni dating Pangulong Rodrigo Duterte sa hurisdiksyon ng korte kaugnay ng mga kasong crimes against humanity na may kaugnayan sa kanyang madugong “war on drugs.”
Sa isang 32-pahinang desisyon na inilabas ng ICC Pre-Trial Chamber I, sinabi ng mga hukom na may hurisdiksyon pa rin ang korte sa kaso ni Duterte kahit pa umatras na ang Pilipinas sa Rome Statute noong Marso 2019.
Ayon sa korte, nagsimula ang preliminary examination ng prosekusyon noong Pebrero 2018 — bago pa man naging epektibo ang pag-atras ng bansa — kaya’t saklaw pa rin ng ICC ang mga krimeng isinagawa sa panahong iyon.
Tinanggihan din ng ICC ang kahilingan ng kampo ni Duterte na ipagpaliban ang desisyon sa hurisdiksyon. “For all of the above reasons… the Chamber finds that the Court can exercise its jurisdiction in the present case over the crimes alleged against Mr. Duterte that were committed on the territory of the Philippines while it was a State Party,” ayon sa desisyon ng korte.
Si Duterte ay nahaharap sa tatlong bilang ng crimes against humanity — partikular na murder — kaugnay ng libu-libong napatay sa anti-drug operations noong siya ay alkalde ng Davao City at kalaunan bilang pangulo ng bansa.
Siya ay kasalukuyang nakakulong sa The Hague habang hinihintay ang confirmation of charges hearing na magpapasya kung tuluyang isasampa ang kaso sa trial phase.
Ang desisyong ito ay itinuturing na malaking hakbang patungo sa pananagutan sa mga umano’y paglabag sa karapatang pantao sa ilalim ng kanyang administrasyon.
