Diskurso PH
Translate the website into your language:

Enrile, Reyes, at Napoles — absuwelto sa ₱172M PDAF graft case

Margret Dianne FerminIpinost noong 2025-10-24 10:51:21 Enrile, Reyes, at Napoles — absuwelto sa ₱172M PDAF graft case

MANILA — Pinawalang-sala ng Sandiganbayan Special Third Division sina Chief Presidential Legal Counsel Juan Ponce Enrile, dating chief-of-staff Jessica “Gigi” Reyes, at negosyanteng si Janet Lim Napoles sa 15 bilang ng kasong graft kaugnay ng umano’y maling paggamit ng ₱172 milyong Priority Development Assistance Fund (PDAF) ni Enrile noong siya ay senador.

Sa desisyong inilabas nitong Oktubre 24, sinabi ng korte na “the prosecution failed to prove the guilt of the accused beyond reasonable doubt.” Dahil dito, hindi rin ipinataw ang anumang civil liability o multa sa mga akusado, kabilang si Jose Antonio Evangelista II, dating deputy chief-of-staff ni Enrile, na kasama ring naabsuwelto sa lahat ng kaso.

Ang PDAF scam ay unang nabunyag noong 2013 matapos ang ulat ng Philippine Daily Inquirer ukol sa umano’y paglalagak ng pork barrel funds sa mga pekeng NGO na pinatatakbo ni Napoles. 

Sina Enrile, Reyes, at Napoles ay kinasuhan ng plunder noong 2014, ngunit si Enrile ay hindi kailanman nakulong at nanatili sa hospital arrest matapos payagan ng Korte Suprema na makapagpiyansa dahil sa kanyang edad at kalagayan.

Ang desisyon ng Sandiganbayan ay resulta ng deliberasyon ng Special Division, na binuo matapos mabigong magkaisa ang mother division sa kaso. Lahat ng hold departure orders laban sa mga akusado ay inalis na rin.

Ito na ang ikatlong malaking kaso ng pork barrel scam mula sa administrasyong Aquino na nauwi sa absolusyon, kasunod ng pagkakaabsuwelto kina dating Senador Jinggoy Estrada at Bong Revilla sa kani-kanilang mga kaso ng plunder.