Diskurso PH
Translate the website into your language:

Higit 1K na guro nagbayad ng hanggang ₱80K sa scam na inendorso ng DepEd Palawan

Margret Dianne FerminIpinost noong 2025-10-24 07:46:48 Higit 1K na guro nagbayad ng hanggang ₱80K sa scam na inendorso ng DepEd Palawan

PALAWAN — Halos isang libong guro at kawani ng Department of Education (DepEd) sa lalawigan ng Palawan ang umano’y nabiktima ng isang pekeng post-graduate program na inendorso pa ng kanilang sariling Division Office.

Ayon sa mga biktima, mismong opisyal ng DepEd Palawan, sa pamumuno ni Superintendent Elsie Barrios at Assistant Superintendent Arnaldo Ventura, ang nag-endorso ng pag-enroll sa Southern Philippines Academy College Inc. (SPACE), isang institusyong nakabase sa Mindanao. 

Inalok umano sa kanila ang mga kursong Master of Arts in Education, Doctor of Education, Master of Public Administration, at Doctor of Philosophy sa ilalim ng “distance learning” scheme.

Batay sa mga salaysay, ang mga guro ay hinikayat sa pamamagitan ng opisyal na advisory ng DepEd Palawan, na nagsabing makatutulong ang programa para sa dagdag puntos sa promosyon. Marami sa kanila ang nagbayad ng ₱60,000 hanggang ₱80,000, at ang ilan pa ay kumuha ng salary loan para makapag-enroll.

Ngunit matapos ang ilang buwan, certificate lamang ang natanggap ng mga guro—walang kasamang special order mula sa Commission on Higher Education (CHED) na magpapatunay sa pagiging lehitimo ng mga titulo. Nakasaad sa mga dokumento ang pirma ni Dr. Forma Gonzales, na nagpakilalang Director at Dean for External Classes ng SPACE.

Sa mga pagdinig, binanggit na ang naturang scam ay umabot sa ₱40 milyon hanggang ₱80 milyon, depende sa bilang ng biktima at halaga ng bayad. Kung tinatayang 1,000 guro ang nag-enroll, posibleng umabot sa ₱65 milyon ang kabuuang naloko mula sa mga kawani ng DepEd Palawan.

“Mas malaki pa ito sa item-for-sale scam, milyon-milyon ang nawala. Kung direkta kay Dr. Gonzales, nasa ₱40 milyon. Pero kung dadaan sa mga personalidad na yan, umaabot sa ₱80 milyon,” ayon sa ulat sa pagdinig.

Kasama sa mga umano’y sangkot sa panlilinlang ang ilang opisyal ng DepEd, kabilang ang suspended District Supervisor Sonny Boy Taha at mga Principal na sina Jay Asturias, Ronnie Nunez, at Alfredo Labor. Isinama rin sa mga iniimbestigahan ang suspended Schools Division Superintendent (SDS) Elsie Barrios, na dati nang nasangkot sa kontrobersyal na “item for sale” scheme.

“Sila rin po ang mga sinuspinde na ng DepEd Central Office kaugnay ng item-for-sale issue. At ngayon, sila rin ang lumulutang na sangkot sa scam na ito,” ayon sa ulat ng mga opisyal.

Kasalukuyang nananawagan ang mga biktimang guro ng imbestigasyon laban sa DepEd Palawan at sa Southern Philippines Academy College Inc. Hiling nila na ma-refund ang kanilang mga binayad at mapanagot ang mga nasa likod ng sindikato na umano’y kumikita sa kapinsalaan ng mga guro na umaasang maiaangat ang kanilang propesyon.

Patuloy ang panawagan ng mga guro sa DepEd Central Office at sa CHED na kilalanin ang kanilang reklamo at linisin ang kanilang pangalan mula sa panlilinlang na tumama mismo sa loob ng sistemang dapat sana’y nagpoprotekta sa kanila.