Pananalangin, nangungunang stress reliever ng Pinoy ayon sa SWS
Margret Dianne Fermin Ipinost noong 2025-10-24 07:46:57
MANILA — Sa gitna ng tumitinding hamon sa kalusugan, kabuhayan, at pamilya, nananatiling sandigan ng maraming Pilipino ang pananampalataya. Ayon sa pinakahuling survey ng Social Weather Stations (SWS), ang pananalangin ang nangungunang paraan ng mga Pilipino sa pagharap sa stress.
Batay sa national survey na isinagawa noong Setyembre 24–30, 2025 sa 1,500 adult respondents, 16% ng mga Pilipino ang nagsabing sila ay nananalangin o gumagawa ng mga aktibidad na may kaugnayan sa espiritwalidad upang maibsan ang stress. Sinundan ito ng pamamahinga o pagtulog (14%), paglabas ng bahay (11%), positibong pag-iisip (7%), pagtutok sa trabaho o pag-aaral (6%), at pagwawalang-bahala sa problema (6%).
Ayon sa SWS, “The top three ways of coping with stress are praying, resting or sleeping, and going out, for both those who experience frequent stress in daily life and those who experience significant stress related to their financial situation, health, job, school, or family”.
Sa parehong survey, lumitaw rin na 34% ng mga Pilipino ang nakararanas ng stress “frequently” sa araw-araw — mas mataas ng pitong puntos mula sa 27% noong Disyembre 2019. Dagdag pa rito, 32% ang nagsabing sila ay “sometimes” stressed, 30% “rarely,” at 4% “never”.
Pinakamalaking sanhi ng stress ay ang usaping pinansyal, kung saan 53% ng mga respondent ang nagsabing ito ay nagdudulot ng “big stress.” Sinundan ito ng kalusugan (42%), trabaho o paaralan (39%), at problema sa pamilya (38%).
Ayon sa World Health Organization (WHO), ang stress ay “a state of worry or mental tension caused by a difficult situation.” Bagama’t natural na tugon ito ng katawan, ang labis na stress ay maaaring magdulot ng seryosong epekto sa pisikal at mental na kalusugan.
Sa pagdiriwang ng World Mental Health Month ngayong Oktubre, muling binigyang-diin ng mga eksperto ang kahalagahan ng mental well-being at ang papel ng kultura, pananampalataya, at suporta ng komunidad sa pagharap sa emosyonal na hamon.
