DTI, kinasuhan ang 8 contractor sa flood control; 8 pa, nakatakdang isunod
Marijo Farah A. Benitez Ipinost noong 2025-10-26 08:00:13
OKTUBRE 26, 2025 — Sinampahan ng Department of Trade and Industry (DTI) ng pormal na reklamo ang walong contractor na lisensyado kaugnay ng mga iregularidad sa mga flood control project ng gobyerno. Ayon sa ahensya, ang hakbang ay bahagi ng mas malawak na imbestigasyon sa umano’y katiwalian sa P545-bilyong halaga ng proyekto.
Ginamit ng DTI ang kapangyarihan nito sa ilalim ng Executive Order No. 913 (1983) upang ihain ang mga reklamo sa Philippine Contractors Accreditation Board – Monitoring and Enforcement Division (PCAB-MED), ang unit na nagsisiyasat sa mga paglabag ng mga contractor sa regulasyon ng industriya ng konstruksyon.
Ang mga contractor na unang sinampahan ng reklamo ay kabilang sa 15 kumpanyang nakakuha ng malaking bahagi ng flood control contracts sa nakalipas na tatlong taon, ayon sa pahayag ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. noong Agosto.
Narito ang walong contractor na unang kinasuhan, ayon sa pagkakasunod-sunod ng pangalan:
- Alpha & Omega General Contractor & Development Corp.
- Centerways Construction & Development Inc.
- EGB Construction Corporation
- Hi-Tone Construction and Development Corporation
- L.R. Tiqui Builders Inc.
- Legacy Construction Corporation
- MG Samidan Construction
- QM Builders
Ayon kay Trade Secretary Cristina Roque, “The DTI will not allow any contractor to undermine the safety and quality of our nation’s infrastructure. Every project must reflect competence, honesty, and compliance with standards.”
(Hindi papayagan ng DTI na sirain ng sinumang contractor ang kaligtasan at kalidad ng mga imprastruktura ng bansa. Dapat ay nagpapakita ng kakayahan, katapatan, at pagsunod sa pamantayan ang bawat proyekto.)
Dagdag pa ni Roque, ang pagsasampa ng reklamo ay nagbibigay pahintulot sa DTI na magsagawa ng agarang preventive actions gaya ng pagsuspinde ng lisensya habang isinasagawa ang imbestigasyon.
Bukod sa walong contractor na unang sinampahan ng kaso, may walong kumpanya pa ang nakatakdang kasuhan sa mga susunod na araw dahil sa umano’y kaugnayan sa parehong anomalya:
- Road Edge Trading & Development Services
- Royal Crown Monarch Construction and Supplies Corporation
- St. Timothy Construction Corporation
- Sunwest Inc.
- SYMS Construction Trading
- Topnotch Catalyst Builders Inc.
- Triple 8 Construction & Supply Inc.
- Wawao Builders Corp.
Pitong kumpanya sa listahang ito — maliban sa SYMS Construction — ay kabilang din sa top 15 contractors na binanggit ng Pangulo.
(Larawan: Philippine News Agency)
