Simula na ng ‘ber months chill’: Amihan naramdaman na sa bansa
Margret Dianne Fermin Ipinost noong 2025-10-28 09:14:29
MANILA — Inanunsyo ng Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA) nitong Lunes, Oktubre 27, ang opisyal na pagsisimula ng Amihan season o Northeast Monsoon sa bansa. Inaasahan ang mas malamig na panahon sa mga susunod na buwan, lalo na sa Northern at Central Luzon.
Ayon sa PAGASA, ang deklarasyon ay batay sa mga obserbasyong meteorolohikal sa nakalipas na mga araw, kabilang ang pagtaas ng atmospheric pressure at paglamig ng paligid.
“Over the past few days, observations have indicated the strengthening of a high-pressure area over East Asia, which has caused a surge of northeasterly winds over Extreme Northern Luzon,” pahayag ng ahensya.
Ang Amihan ay karaniwang nagdadala ng malamig at tuyong hangin mula sa Siberia at China patungong Pilipinas, na siyang dahilan ng mas mababang temperatura tuwing ber months.
Bukod sa malamig na simoy ng hangin, inaasahan din ang rough sea conditions sa mga baybayin ng Northern Luzon sa susunod na dalawang linggo dahil sa sunod-sunod na bugso ng monsoon winds.
Dagdag pa ng PAGASA, posibleng magkaroon ng shear line formation — kung saan nagtatagpo ang malamig na hangin ng Amihan at mainit na hangin mula sa silangan — na maaaring magdulot ng pag-ulan sa ilang bahagi ng Visayas at Mindanao.
Pinapayuhan ang publiko, lalo na ang mga mangingisda at may maliliit na bangka, na maging mapagmatyag sa mga abiso ng PAGASA kaugnay ng lagay ng panahon at kondisyon ng dagat.
