Diskurso PH
Translate the website into your language:

USEC. Claire Castro, bumuwelta sa pambabatikos ni Rep. Paolo Duterte

Robel A. AlmoguerraIpinost noong 2025-10-27 23:33:11 USEC. Claire Castro, bumuwelta sa pambabatikos ni Rep. Paolo Duterte

MANILA — May matinding buwelta si Presidential Communications Office (PCO) Undersecretary Claire Castro laban kay Davao City 1st District Representative Paolo Duterte matapos batikusin ng kongresista ang mga hakbang ng administrasyon ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. para gawing moderno at mas de-kalidad ang Armed Forces of the Philippines (AFP).

Sa media briefing mula sa Malaysia nitong Lunes, Oktubre 27, sinabi ni Castro na hindi na nakakagulat ang posisyon ng kongresista dahil pareho umano ito ng paninindigan sa kanyang ama, si dating Pangulong Rodrigo Duterte.

Binalikan pa ni Castro ang ulat ng ABS-CBN noong Hulyo 27, 2020, kung saan inamin ng dating pangulo sa kanyang State of the Nation Address (SONA) na siya ay “inutil” sa usapin ng West Philippine Sea.

Binasa ni Castro ang bahagi ng pahayag ni Duterte: “China is claiming it, we are claiming it. China has the arms. We do not have it... So, what can we do? We have to go to war, and I cannot afford it... Inutil ako d’yan at willing akong aminin ‘yan.”

Giit ni Castro, taliwas ang kasalukuyang pamahalaan sa ganitong pananaw dahil determinadong ipagtanggol ni Pangulong Marcos Jr. ang soberanya ng Pilipinas sa pamamagitan ng pagpapalakas ng puwersang militar at modernisasyon ng AFP. (Larawan: Presidential Communications Office / Google)