Walang taas-presyo hanggang Disyembre 31, ayon sa utos ni Marcos sa DTI
Margret Dianne Fermin Ipinost noong 2025-10-28 09:14:31
KUALA LUMPUR, MALAYSIA — Inatasan ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. ang Department of Trade and Industry (DTI) na ipatupad ang price freeze sa mga pangunahing bilihin hanggang Disyembre 31, 2025. Layunin ng hakbang na ito na mapanatili ang price stability sa gitna ng inaasahang pagtaas ng demand ngayong holiday season.
Ayon kay Palace Press Officer Undersecretary Claire Castro, “Alinsunod sa kautusan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na hindi magkakaroon ng paggalaw sa mga presyo ng mga bilihin bago ang holiday season, inanunsyo ng Department of Trade and Industry (DTI) na walang price increase sa basic at prime commodities sa bansa hanggang sa matapos ang kasalukuyang taon”.
Saklaw ng price freeze ang mga sumusunod na produkto:
- Canned sardines at canned meats
- Gatas (lahat ng uri)
- Instant coffee at bottled water
- Instant noodles at tinapay
- Asin, toyo, patis, suka
- Kandila at iba pang manufactured basic goods
Bago lumipad patungong Malaysia para sa 47th ASEAN Summit, inatasan ni Marcos ang DTI na mahigpit na imonitor ang maximum suggested retail prices (MSRP), lalo na para sa mga imported na produkto gaya ng bigas at iba pang pagkain.
Pinayuhan din ng Pangulo ang DTI na makipag-ugnayan sa mga manufacturer upang mapanatili ang kasalukuyang presyo ng mga bilihin. Ang utos ay bahagi ng mas malawak na hakbang ng administrasyon upang protektahan ang mga mamimili mula sa artificial price hikes at panic buying.
Ang price freeze ay inaasahang magbibigay ginhawa sa mga pamilyang Pilipino sa panahon ng Kapaskuhan, lalo na sa harap ng patuloy na pagtaas ng presyo ng ilang imported goods sa pandaigdigang merkado.
