DPWH: Ilang flood control projects walang silbi, gigibain
Margret Dianne Fermin Ipinost noong 2025-10-28 09:14:30
MANILA — Inamin ni Department of Public Works and Highways (DPWH) Secretary Vince Dizon na may ilang flood control projects sa bansa na hindi lamang walang silbi, kundi nakasama pa sa sitwasyon ng pagbaha, kaya’t kinakailangang buwagin.
Sa pagdinig ng Senate Finance Committee para sa 2026 budget ng DPWH, sinabi ni Dizon na base sa ebidensyang nakalap ng ahensya, “not only have some of those flood control projects been useless, but they have become harmful pa. Meaning, sumama pa yung baha”.
Kabilang sa mga tinukoy na proyekto ay ang mga istrukturang itinayo sa mga lugar na hindi naman binabaha, pati na rin ang mga overpriced na flood control systems gaya ng isang proyekto sa Bulacan na umabot sa ₱500,000 kada metro. Ayon sa Department of Environment and Natural Resources (DENR), may mga flood control structures na nakalagay sa gitna ng mga bakanteng lote at hindi konektado sa mga daluyan ng tubig, dahilan upang magdulot pa ng pagtaas ng tubig tuwing tag-ulan.
Dagdag pa ni Dizon, ang mga anomalya ay bahagi ng mas malawak na imbestigasyon ng DPWH sa mga ghost at substandard projects. “We are seeing a pattern of either ghost or substandard infrastructure projects,” aniya sa isang naunang pahayag.
Sa kabila ng sunog na tumama sa Bureau of Research and Standards (BRS) ng DPWH noong Oktubre 22, tiniyak ni Dizon na ligtas ang lahat ng dokumento kaugnay ng imbestigasyon. “All documents regarding flood control projects from 2022 to 2025 are secured in the central office and have digital backups,” ayon sa DPWH.
Inaasahan na ang mga suspek sa flood control corruption scandal ay maaaring makulong bago mag-Pasko, kabilang ang ilang district engineers at contractor na nahaharap sa kasong paglabag sa Anti-Graft and Corrupt Practices Act, Government Procurement Reform Act, at malversation of public funds.
Larawan mula kay JOHN ORVEN VERDOTE
