Diskurso PH
Translate the website into your language:

Lacson to Marcoleta: Tulungan mo kaming mahanap si Orly Guteza

Margret Dianne FerminIpinost noong 2025-10-28 09:14:26 Lacson to Marcoleta: Tulungan mo kaming mahanap si Orly Guteza

MANILA — Hiniling ni Senador Panfilo “Ping” Lacson ang tulong ni Senador Rodante Marcoleta sa paghahanap kay Orly Guteza, dating Marine at itinuturing na “missing in action” matapos hindi sumipot sa mga pagdinig ng Senado kaugnay ng kanyang isinumiteng sinumpaang salaysay.

Ayon kay Lacson, inaasahan nilang matutulungan ni Marcoleta ang Senado sa paghanap kay Guteza dahil ito raw ang huling taong nakasama ni Guteza bago ito mawala. 

“Pagkatapos ng aming pagdinig, nakita siyang pumasok sa opisina ni Sen. Marcoleta. Doon siya nanatili ng halos tatlumpung minuto bago bumaba at tumungo sa gallery. Kasama siya ng isang staff ni Sen. Marcoleta,” paliwanag ni Lacson.

Dagdag pa ni Lacson, pagkatapos ng pangyayaring iyon ay hindi na muling nakita o nakontak si Guteza. Kaya’t pinag-aaralan na nilang humingi ng tulong sa ilang dating opisyal ng Philippine Marines na maaaring may impormasyon tungkol sa kanyang kinaroroonan. 

“Pwede tayong humingi ng tulong sa mga kakilala natin sa Marines para makatulong sa paghahanap at makapagbigay-linaw sa kanyang sinumpaang salaysay,” aniya.

Ayon pa sa senador, kahit hindi personal na lumahok si Guteza sa mga pagdinig, mananatiling bahagi ng rekord ng Blue Ribbon Committee ang kanyang sinumpaang salaysay, dahil ito ay valid at ginawa sa ilalim ng panunumpa. 

“Valid pa rin yan, kahit na may isyung hindi daw siya nagpanotaryo nang tama. Sinumpa niya pa rin yan sa harap ng komite,” paliwanag ni Lacson.

Lumabas din sa imbestigasyon na maganda ang service record ni Guteza sa Philippine Marines. Inilarawan siyang masipag, maayos, at maaasahan sa kanyang trabaho bilang security consultant ni dating opisyal na si Zaly Co at iba pang kilalang personalidad. 

Gayunman, binanggit din na may “colorful background” si Guteza dahil umano’y nagsilbi rin siyang security aide ng ilang mataas na opisyal, kabilang si Vice President Sara Duterte.

Naitanong din sa pagdinig kung may kinalaman sina dating Congressman Mike Defensor at Senador Marcoleta sa pagharap ni Guteza sa Senado, dahil sila raw ang nagpakilala sa kanya at nagprisinta ng kanyang affidavit. 

Gayunman, iginiit ni Lacson na ang mas dapat pagtuunan ng pansin ngayon ay ang kawalan ng personal knowledge ng mga nagprisinta ng dokumento at ang umano’y problema sa pagkaka-notaryo ng sinumpaang salaysay.

Ayon sa mga abogado ng Senado, may eksklusibong hurisdiksyon ang Executive Judge sa lungsod o bayan kung saan ginawa ang notaryo, at tanging sila lamang ang may kapangyarihang magsagawa ng imbestigasyon hinggil sa mga posibleng paglabag sa notarization law.

Patuloy pa rin ang pagsisikap ng Senado na matunton si Orly Guteza, na itinuturing na mahalagang testigo sa isyung kanilang iniimbestigahan. Ayon kay Lacson, “Kung hindi siya matagpuan, mananatili sa rekord ang kanyang salaysay sa face value. Pero mas makabubuting makaharap siya para makapagpaliwanag.”