Diskurso PH
Translate the website into your language:

Mahigit 70K pekeng job posts, ipinatanggal ng DMW sa Facebook at TikTok

Margret Dianne FerminIpinost noong 2025-10-28 09:14:28 Mahigit 70K pekeng job posts, ipinatanggal ng DMW sa Facebook at TikTok

MANILA — Binabantayan ng Department of Migrant Workers (DMW) ang mga online job postings matapos ang sunod-sunod na kaso ng ilegal na pagre-recruit ng mga Pilipino patungong mga scam hubs sa Myanmar, Laos, Cambodia, at Thailand.

Ayon sa DMW, mahigit 70,000 recruitment posts sa social media ang naipabura na sa pakikipagtulungan sa Facebook at TikTok, bilang bahagi ng kanilang 24/7 online surveillance. “Meron tayong dedicated office and staff na tumitingin po sa lahat sa online at ’pag nakita natin na ’yung ino-offer nila na employment opportunities pertains to the scam hubs dito sa Asia, we request from active takedowns,” pahayag ni DMW Undersecretary Bernard Olalia.

Ang hakbang ay kasunod ng ulat na mahigit 200 Pilipino ang na-recruit sa mga scam farms sa Myanmar at humingi ng tulong sa gobyerno para sa repatriation. Ayon sa Department of Foreign Affairs (DFA), 222 active requests ang natanggap ng embahada ng Pilipinas sa Myanmar, kung saan ilan sa mga biktima ay nailipat na sa Thailand at ang iba ay nasa kustodiya ng embahada sa Yangon.

Sinabi ni Migrant Workers Secretary Hans Leo Cacdac na ang mga biktima ay kadalasang ni-recruit online sa pamamagitan ng mga pekeng job offers at package tours. “Some recruiters bring their victims to a place or country before taking them to the actual destination,” babala ng DMW sa publiko.

Patuloy ang koordinasyon ng DMW sa Department of Information and Communications Technology (DICT) at mga social media platforms upang mapigilan ang paglaganap ng mga pekeng job postings. Kasalukuyan ding may mga isinampang kaso laban sa mga illegal recruiter.

Paalala ng DMW sa mga Pilipino: Maging mapanuri sa mga online job offers at tiyaking dumaan sa tamang proseso ng pag-aaplay sa trabaho sa ibang bansa. Ang ahensya ay nananatiling bukas sa mga report ng kahina-hinalang recruitment activities.