Diskurso PH
Translate the website into your language:

Magno, uuupo bilang OIC ng NBI; Santiago, tuluyan nang nagbitiw

Marijo Farah A. BenitezIpinost noong 2025-10-28 07:54:36 Magno, uuupo bilang OIC ng NBI; Santiago, tuluyan nang nagbitiw

OKTUBRE, 28, 2025 — Opisyal nang tinanggap ng Malacañang ang pagbibitiw ni Jaime Santiago bilang direktor ng National Bureau of Investigation (NBI), kasunod ng mga alegasyong paninira sa kanyang pangalan. Bilang tugon, itinalaga ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. si Atty. Angelito “Lito” Magno bilang officer-in-charge ng ahensya.

Kinumpirma ni Palace Press Officer Undersecretary Atty. Claire Castro ang desisyon ng Pangulo sa isang press briefing sa Kuala Lumpur, Malaysia, kung saan dumalo ang delegasyon ng Pilipinas sa ika-47 ASEAN Summit mula Oktubre 26 hanggang 28.

“Today I was informed that the President has finally accepted my irrevocable resignation,” pahayag ni Santiago nitong Oktubre 27. 

(Ngayong araw ay ipinaalam sa akin na tinanggap na ng Pangulo ang aking hindi na mababawi na pagbibitiw.)

Nagpasalamat si Santiago sa mga tauhan ng NBI at hinikayat silang ipagpatuloy ang kanilang serbisyo. Isinumite niya ang kanyang courtesy resignation noong Agosto 15, 2025, bunsod ng umano’y mga taong may “sinister interest” na patuloy umanong sumisira sa kanyang reputasyon.

Si Magno ang pansamantalang hahawak sa pamumuno ng NBI. Isa siyang beteranong ahente at abogado na nagsimula bilang line agent at umangat hanggang sa posisyong Deputy Director for Investigative Services. Kilala si Magno sa larangan ng imbestigasyon, information and communications technology (ICT), at pagpapatupad ng batas.

Bagamat pansamantala pa lamang ang kanyang pagtatalaga, inaasahang magpapatuloy si Magno sa mga pangunahing tungkulin ng ahensya habang naghihintay ng pormal na kapalit ni Santiago.

Walang inilabas na karagdagang detalye ang Palasyo tungkol sa posibleng permanenteng uupo sa posisyon, ngunit nananatiling kritikal ang papel ng NBI sa mga isinasagawang imbestigasyon sa bansa.

(Larawan: Philippine News Agency)