Diskurso PH
Translate the website into your language:

Quo warranto case laban kay Erwin Tulfo, nakabinbin sa Senado; citizenship issue, muling binubusisi

Marijo Farah A. BenitezIpinost noong 2025-10-28 07:38:04 Quo warranto case laban kay Erwin Tulfo, nakabinbin sa Senado; citizenship issue, muling binubusisi

OKTUBRE, 28, 2025 — Isang petisyon para sa quo warranto ang nakasampa laban kay Senador Erwin Tulfo sa Senate Electoral Tribunal (SET), kaugnay ng umano’y isyu sa kanyang pagiging mamamayan ng Pilipinas.

Kinumpirma ito ng SET sa pagdinig ng Senate Committee on Finance nitong Oktubre 27, habang tinatalakay ang panukalang 2026 budget ng tribunal. Ayon kay SET Deputy Secretary Eleanor Francisco-Anunciacion, may nakabinbing kaso ng quo warranto na isinampa noong Hulyo 15, 2025, dahil sa alegasyon ng “ineligibility due to citizenship.” 

Hindi niya pinangalanan ang senador, ngunit lumabas sa presentasyon ng SET na si Berteni Cataluna Causing ang naghain ng reklamo laban kay Tulfo.

“The petition is currently pending before the Tribunal, with the Secretariat undertaking all appropriate preliminary actions in accordance with established procedures and the Tribunal’s rules,” ayon sa slide na ipinakita sa pagdinig.

(Ang petisyon ay kasalukuyang nakabinbin sa Tribunal, at isinasagawa na ng Secretariat ang lahat ng nararapat na paunang hakbang alinsunod sa itinatakdang mga proseso at alituntunin ng Tribunal.)

Si Causing ay isang dating abogado na tinanggalan ng lisensya ng Korte Suprema. Matagal na niyang kinukuwestiyon ang kwalipikasyon ni Tulfo sa paghawak ng posisyon sa gobyerno. Bukod sa citizenship, dati na rin niyang inakusahan si Tulfo ng paglabag sa equal access provision, political dynasty ban, at kakulangan sa academic qualifications.

Noong panahon ng kampanya para sa 2025 midterm elections, ilang disqualification cases na rin ang isinampa ni Causing laban kay Tulfo, kabilang ang isyu sa libel conviction noong 2008. Ngunit nitong Marso, ibinasura ng Commission on Elections (Comelec) ang isa sa mga reklamo ni Causing dahil sa kakulangan sa mga dokumento at hindi pagsunod sa mga rekisito.

Tinukoy rin ng Comelec na ang mga alegasyon tulad ng citizenship, equal access clause, political dynasty, at academic qualifications ay hindi sapat na batayan para sa disqualification.

Sa kabila ng panibagong kaso, nanindigan si Tulfo na handa siyang harapin ito.

“Aware naman na po tayo na may nakabinbin na ganito sa SET at handa po tayong harapin ito,” ani Tulfo.

“Matatandaang kaparehong tao rin po, na isang disbarred lawyer, ang paulit-ulit na nag-file ng disqualification case laban sa akin noong panahon ng kampanya kaya di na rin po tayo nagulat. At lahat po ng DQ cases na isinampa ng taong ito laban sa akin ay dismissed na,” dagdag pa niya.

Patuloy ang trabaho ni Tulfo bilang senador habang hinihintay ang desisyon ng SET na pinamumunuan ni Justice Marvic Leonen. Kabilang sa mga miyembro ng Tribunal ang mga senador na sina Paolo “Bam” Aquino IV, Francis “Kiko” Pangilinan, Pia Cayetano, Camille Villar, Alan Peter Cayetano, at Robinhood “Robin” Padilla.

(Larawan: Senate of the Philippines | Facebook)