Diskurso PH
Translate the website into your language:

798 proyekto ng DPWH, lusot sa isyu ng ‘reappearing’projects; 148, nakabinbin pa

Marijo Farah A. BenitezIpinost noong 2025-10-27 18:04:51 798 proyekto ng DPWH, lusot sa isyu ng ‘reappearing’projects; 148, nakabinbin pa

OKTUBRE 27, 2025 — Sa gitna ng pagdinig sa panukalang 2026 budget ng Department of Public Works and Highways (DPWH), iginiit ni Secretary Vince Dizon na karamihan sa mga proyektong pinagdudahan ay dumaan na sa masusing beripikasyon.

Ayon kay Dizon, 798 sa 946 proyekto na sinabing “reappearing” mula sa 2025 General Appropriations Act (GAA) patungong 2026 National Expenditure Program (NEP) ay napatunayang lehitimo. Katumbas ito ng P11.656 bilyon.

“Pinababa namin ang mga proyektong ‘to based on geotag locations and pina-validate po natin kung ito bang mga proyektong ‘to ay completed na ba. Because I think that was the fear nating lahat na since kapareho nung 2025 at merong bagong pondo, parang doble-doble, umuulit,” paliwanag ni Dizon. 

Dagdag pa niya, kinuhanan ng mga litrato ang mga site gamit ang dated at tagged photos upang patunayan kung may natitirang bahagi pa ng proyekto. 

“And then kukuhanan ng litrato, ng dated, tagged photos para makita na unang una sa sarili nating mata na hindi pa tapos ‘yung proyekto at merong continuation,” aniya.

Sa pagdinig ng Senado, ipinakita ni Dizon ang ilang sample ng mga larawan at diagram ng mga proyekto. Nilinaw niyang binago na ng DPWH ang mga pangalan ng entries upang maipakita kung ang mga ito ay nasa yugto pa ng pagpapatuloy o malapit nang matapos.

“So dinefine na po ito. I don't know kung anong nangyari dito, I don’t know if it’s just a question of laziness or ‘kinat and paste’ lang ‘yung previous submission. But clearly based on the picture and the straight line diagram, this is a continuation of an ongoing project, of an ongoing road,” giit ni Dizon. 

Sa kabila ng beripikasyon sa 798 proyekto, may natitirang 148 items na hindi pa nasusuri, na may kabuuang halaga na higit P2.7 bilyon. Dahilan ni Dizon: kulang sa oras.

“Dito po sa 798, wala pong nakita. Lahat po ‘yun ay na-validate given the submissions. Do’n sa remaining 148, hindi po natin alam. That’s why, Mr. Chairman, ako I will put it on the record, if the committee will not grant us any more time, please feel free to just remove that,” ani Dizon. 

Binigyan ng palugit ni Senate Finance Committee Chair Sherwin Gatchalian ang DPWH hanggang Oktubre 31 para tapusin ang beripikasyon sa natitirang proyekto.

Matatandaang mula sa orihinal na P881.31 bilyong panukalang budget ng DPWH para sa 2026, bumaba ito sa P625.78 bilyon matapos tanggalin ang ilang flood control projects na pinagdudahan ang kalidad at aktuwal na implementasyon.

(Larawan: Senate of the Philippines)