Diskurso PH
Translate the website into your language:

Malaking dagdag-presyo sa krudo, ipatutupad ngayong linggo

Marijo Farah A. BenitezIpinost noong 2025-10-27 11:54:29 Malaking dagdag-presyo sa krudo, ipatutupad ngayong linggo

OKTUBRE 27, 2025 — Muling tataas ang presyo ng produktong petrolyo ngayong huling linggo ng Oktubre, ayon sa mga kompanya ng langis. Pinakamalaking dagdag ang sa diesel, na papalo ng hanggang P2 kada litro.

Sa abiso ng Seaoil, epektibo sa Martes, Oktubre 28, ang P2 taas-presyo sa diesel. Kasabay nito, magtataas din ng P1.20 kada litro ang gasolina, habang P1.70 naman ang dagdag sa kerosene.

Ang paggalaw ng presyo ay kaugnay ng bagong parusa ng Estados Unidos laban sa dalawang pangunahing kompanya ng langis ng Russia. Ayon kay Leo Bellas, presidente ng Jetti Petroleum, posibleng magdulot ito ng kalituhan sa global supply chain.

“Oil prices are higher … due to concerns that the fresh US sanctions on Russian companies, following sanctions imposed by Britain last week, could lead to tighter physical flows of Russian oil,” pahayag ni Bellas. 

(Mas mataas ang presyo ng langis ... dahil sa pangamba na ang bagong parusa ng US sa mga kompanya ng Russia, kasunod ng parusa ng Britain noong nakaraang linggo, ay magpapahigpit sa pisikal na daloy ng langis mula Russia.)

“This could force buyers of Russian oil to reroute volumes to other sources, causing major disruptions in supply flows,” dagdag pa niya. 

(Maaaring mapilitan ang mga bumibili ng langis mula Russia na humanap ng ibang pinagkukunan, na magdudulot ng malaking abala sa daloy ng supply.)

Karaniwang ina-anunsyo tuwing Lunes ang galaw-presyo ng mga kompanya ng langis, at ipinatutupad naman kinabukasan. 

Dahil dito, inaasahang maghihigpit ang mga motorista sa konsumo, lalo na’t patuloy ang pagtaas ng presyo ng bilihin. Wala pang tiyak kung kailan bababa muli ang presyo ng petrolyo, lalo’t hindi pa humuhupa ang tensyon sa pandaigdigang merkado.

(Larawan: Philippine News Agency)