Marcos, handang maglabas ng SALN, pero may kundisyon — dapat ‘proper authority’
Marijo Farah A. Benitez Ipinost noong 2025-10-27 17:13:40
OKTUBRE 27, 2025 — Handa si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na isapubliko ang kanyang Statement of Assets, Liabilities, and Net Worth (SALN), ngunit iginiit ng Malacañang na dapat itong dumaan sa tamang proseso at sa mga itinalagang awtoridad.
Ayon kay Presidential Communications Office Undersecretary Claire Castro, malinaw ang posisyon ng Pangulo: bukas siyang isumite ang kanyang SALN kung ito ay hihingin ng “proper authority” at kung susunod ito sa mga panuntunang itinakda ng Office of the Ombudsman.
“Unang-una, nagsalita na ang Pangulo at siya ay handa naman pong ibigay at ipakita ang kaniyang SALN sa proper authority,” ani Castro.
Nilinaw ni Castro na may umiiral nang mga alituntunin ang Ombudsman tungkol sa paghingi ng SALN, at ito ang sinusunod ng ehekutibo.
“At mayroon naman po na tayong rules or procedure na inilahad ang Ombudsman at sinabi din naman dito na lahat ng request for SALN ay pagbibigyan pero may mga certain guidelines na ibinigay ang Ombudsman. So ang ehekutibo ay tutugon dito,” dagdag niya.
Kasunod ito ng memorandum ni Ombudsman Jesus Crispin Remulla na nagbubukas ng access sa SALN ng mga matataas na opisyal ng pamahalaan, kabilang ang Pangulo, Pangalawang Pangulo, mga pinuno ng Constitutional Offices, at mga lokal na opisyal.
Samantala, kinumpirma rin ni Castro na nagkaroon ng impormal na pulong ang ilang miyembro ng gabinete upang talakayin ang isyu.
“Kahapon nagkaroon lamang sila ng informal meeting at napag-usapan nga ito … But still nandiyan naman ang procedure na inilahad ng Ombudsman at ang bawat isa naman ay tutugon dito,” aniya.
Sinang-ayunan din ni Castro ang pahayag ni Executive Secretary Lucas Bersamin na hindi dapat gamitin ang SALN bilang kasangkapan sa paninira sa mga opisyal.
(Larawan: Presidential Communications Office)
