Diskurso PH
Translate the website into your language:

Remulla, binulgar ang umano’y pakikialam ni Zaldy Co sa NAIA e-gate bidding — ‘gusto niyang dekwatin’

Marijo Farah A. BenitezIpinost noong 2025-10-28 07:35:46 Remulla, binulgar ang umano’y pakikialam ni Zaldy Co sa NAIA e-gate bidding — ‘gusto niyang dekwatin’

OKTUBRE 27, 2025 — Isiniwalat ni Ombudsman Jesus Crispin “Boying” Remulla ang umano’y tangkang panghihimasok ni Zaldy Co sa bidding ng electronic gates para sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA).

Sa panayam kay Luchi Cruz-Valdes, ibinunyag ni Remulla na habang siya’y nanunungkulan bilang Secretary of Justice, sinubukan umano ni Co na impluwensyahan ang proseso ng procurement ng Bureau of Immigration (BI) para makuha ang kontrata.

“Gusto niyang dekwatin yung kontrata na dapat para sa taumbayan. Komplikado pero that kind of impunity has to stop,” ani Remulla. 

Ayon sa Ombudsman, pinilit umanong baguhin ang terms of reference ng bidding upang masiguro na ang kompanya ni Co, o ang kanyang umano’y front, ang mananalo sa proyekto.

“Meron silang kliyente siguro na meron sila sigurong kickback,” dagdag pa ni Remulla. 

Hindi umano pumayag si Remulla sa naturang pakikialam at inamin niyang halos magbitiw na siya sa puwesto noon sa Department of Justice.

“Gusto ko na lang mag-Ombudsman, ayaw ko na nito (sa DOJ). Kasi hanggang dito napapasok pa ko. Secretary of Justice nako, napapasok pa ko,” aniya. 

Si Co, na kamakailan lang nagbitiw bilang kinatawan ng Ako Bicol, ay dati nang nasangkot sa mga alegasyon ng multibilyong pisong “insertions” sa pambansang budget at mga proyektong flood-control na umano’y hindi naman naisakatuparan.

Hanggang ngayon, hindi pa rin matukoy ang eksaktong kinaroroonan ni Co. Lumipad umano siya patungong Estados Unidos para sa gamutan bago tuluyang nagbitiw sa Kongreso. Patuloy pa rin ang pagtugis sa kanya ng mga awtoridad.

(Larawan: Philippine News Agency)