Bong Go, hindi pa iniimbitahan sa flood probe, ayon sa ICI
Marijo Farah A. Benitez Ipinost noong 2025-10-28 18:59:29
OKTUBRE 28, 2025 — Walang imbitasyong ipinadala kay Senador Bong Go para humarap sa imbestigasyon ng Independent Commission for Infrastructure (ICI) kaugnay ng mga iregularidad sa flood control projects, ayon sa tagapagsalita ng komisyon.
“No invitation has been sent by the commission to Senator Bong Go to appear as resource person,” pahayag ni ICI spokesperson Brian Hosaka.
(Wala pang imbitasyong ipinadala ng komisyon kay Senador Bong Go para magsilbing resource person.)
Ito’y tugon sa akusasyon ni dating Senador Antonio Trillanes na tumanggi umano si Go na dumalo sa pagdinig ng ICI maliban na lang kung sasamahan siya nina Senador Imee Marcos at Ronald “Bato” Dela Rosa.
“I have information that Bong Go was already invited to appear before the ICI pero ayaw niyang pumunta, unless kasama nya sina Imee at Bato para may tiga-abogado sa kanya,” ani Trillanes sa isang Facebook post.
Sa kabila ng pagtanggi ng ICI, iginiit ni Trillanes na tanungin ang komisyon kung bakit hindi pa nito iniimbitahan si Go.
Oktubre 24 nang isumite ni Trillanes sa ICI ang kopya ng kanyang reklamo sa Ombudsman laban kina Go at dating Pangulong Rodrigo Duterte. Ang kaso ay may kaugnayan sa halos P7 bilyong halaga ng mga proyekto ng gobyerno na napunta umano sa mga kumpanyang pag-aari ng pamilya ni Go.
Ayon sa ulat ng PCIJ, ang CLTG Builders ay pag-aari ng ama ni Go at ng kanyang half-brother. Nakakuha ito ng P4.6 bilyong kontrata mula sa DPWH sa nakalipas na dekada.
Samantala, iniutos ni Ombudsman Boying Remulla kay DPWH Secretary Vince Dizon na siyasatin ang posibleng ugnayan ng Discaya couple sa CLTG Builders. Tumanggi na kasing makipagtulungan sa ICI sina Curlee at Sarah Discaya, na dating contractor sa mga flood control projects.
“I think the Discayas [have] been protecting Bong Go, the joint venture they had with the CLTG, with the family of Bong Go,” ani Remulla sa isang online interview.
(Sa tingin ko, pinoprotektahan ng mga Discaya si Bong Go, dahil sa joint venture nila sa CLTG, kasama ang pamilya ni Bong Go.)
(Larawan: Philippine News Agency)
