Mental health crisis sa PAO, lumalala; dagdag abogado, wellness leave isinusulong
Marijo Farah A. Benitez Ipinost noong 2025-10-28 18:31:15
OKTUBRE, 28, 2025 — Lumilitaw ang seryosong krisis sa mental health ng mga abogado ng Public Attorney’s Office (PAO) bunsod ng matinding dami ng kasong hinahawakan kada buwan, ayon kay PAO Chief Persida Rueda-Acosta sa pagdinig ng Senate Committee on Finance para sa panukalang budget ng ahensya sa 2026.
Sa harap ng mga senador, inilahad ni Acosta ang kalagayan ng mga abogado ng PAO na aniya’y “bumibigay” na sa anxiety at depresyon dahil sa walang humpay na trabaho.
“Nagkakaroon ng psychiatric problem yung ibang lawyers ko, bumibigay. Kahit may mga doctor kaming nag-aalaga sa kanila, bumibigay sila sa anxiety, depression. Marami na pong bumigay. Ako na lang di bumibigay sa dami ng problema ng ating bayan,” aniya.
Sa datos ng PAO, may 2,681 abogado ang ahensya at dalawa lamang ang bakanteng posisyon. Ngunit sa kabila ng bilang na ito, umaabot sa 300 kaso kada buwan ang inaasikaso ng bawat abogado. Dahil sa patakaran ng PAO na bawal tumanggi sa kliyente, lalong lumalala ang pressure sa mga abogado.
“Yes, bawal tumanggi, kung di mo kaya magpapa-relieve ka sa pwedeng gumanap,” paliwanag ni Acosta.
Bilang tugon, iminungkahi ni Senador Sherwin Gatchalian ang pagdagdag ng 500 bagong abogado upang maibsan ang case load. Sinang-ayunan ito ni Acosta, at iginiit na makatutulong ito sa pagpigil ng pag-alis ng mga senior lawyers at sa pagbibigay ng mas maayos na suporta sa mga junior lawyers.
Ipinaabot na ng PAO sa liderato ng Kamara ang kahilingan para sa karagdagang pondo, ngunit hindi pa ito nakapaloob sa kasalukuyang panukalang budget na P6.693 bilyon.
Bukod sa dagdag na tauhan, isinusulong din ni Acosta ang pagbibigay ng bayad na wellness leave sa mga abogado ng PAO — isang hakbang na layong tugunan ang lumalalang problema sa mental health ng mga abogado.
“Natatakot naman ako pumirma ng order na magkaroon sila ng wellness leave, eh pano kung nag wellness si PAO (lawyer) walang hahawak nung kaso nung maralitang Pilipino, mumurahin naman ako ng kliyente,” aniya.
“Kaya ngayon wala kaming wellness. Kaya marami sa kanila nagkakasakit, bumibigay talaga,” dagdag pa niya.
Nilinaw ni Acosta na hindi na kailangan ng karagdagang pondo para sa wellness leave, basta’t madagdagan ang bilang ng abogado sa ahensya.
“Kung madagdagan kami ng 500 lawyers next year, pwede na pong magbigay ng wellness (leave) sa kanila. Kasi may papalit sa kanilang mga magli-leave,” paliwanag niya.
Sa harap ng lumalalang mental health crisis sa PAO, nananawagan ang ahensya ng agarang aksyon mula sa Senado upang mapangalagaan ang kapakanan ng mga abogado na araw-araw humaharap sa mga kaso ng mga maralitang Pilipino.
(Larawan: Senate of the Philippines | Facebook)
