Dagat, nagkulay pula sa Negros Oriental?
Robel A. Almoguerra Ipinost noong 2025-10-28 21:48:32
NEGROS ORIENTAL — Namataan ng mga residente ang kakaibang pagkulay-pula ng dagat sa Bais Bay, sakop ng Manjuyod, Negros Oriental, matapos umanong magkaroon ng tagas ng ethanol mula sa isang planta sa lugar.
Ayon sa ulat, nasira umano ang containment lagoon ng naturang ethanol plant, dahilan upang tumagas ang kemikal patungo sa dagat. Sa bidyong ibinahagi ng residente na si Lisa Cadalin, makikitang tila “Red Sea” ang kulay ng tubig na dati ay malinaw at asul.
Ipinahayag ng ilang mangingisda na nagkaroon na ng fish kill sa lugar matapos ang insidente, na posibleng dulot ng kontaminasyong kemikal.
Agad namang nagpatawag ng pagpupulong ang mga opisyal ng Lungsod ng Bais at Bayan ng Manjuyod, kasama ang pamunuan ng planta, upang pag-usapan ang mga hakbang sa paglilinis ng karagatan at pag-iwas sa mas malalang pinsala.
Patuloy pang iniimbestigahan ng mga awtoridad ang lawak ng kontaminasyon at ang epekto nito sa kabuhayan ng mga mangingisda at sa kalikasan ng lugar. (Larawan: Lisa Cadalin / Facebook)
