4 na silid-aralan, natupok sa isang sunog sa Mulanay, Quezon
Robel A. Almoguerra Ipinost noong 2025-10-28 22:02:35
MULANAY, QUEZON — Nasunog ang apat na silid-aralan ng Bagupaye Elementary School sa Barangay Bagupaye, Mulanay, Quezon matapos sumiklab ang apoy nitong Martes ng madaling araw, Oktubre 28, 2025.
Ayon sa ulat ng Quezon Provincial Police, bandang alas-1:20 ng madaling araw nang mapansin ng mga residente ang pagliyab sa loob ng paaralan. Agad na rumesponde ang mga bumbero, ngunit mabilis na kumalat ang apoy dahil gawa sa light materials ang mga gusali. Naapula lamang ang sunog bandang alas-1:35 ng umaga.
Sa kabutihang palad, walang naiulat na nasaktan sa insidente. Gayunpaman, tinatayang aabot sa ₱400,000 ang halaga ng pinsala sa mga silid-aralan at kagamitang pang-eskwela.
Patuloy na iniimbestigahan ng Bureau of Fire Protection (BFP) ang posibleng sanhi ng sunog, habang pansamantalang inililipat sa ibang silid o paaralan ang mga apektadong klase.
Nagpahayag naman ng pag-aalala ang mga magulang at guro sa epekto ng insidente sa pag-aaral ng mga bata, lalo’t malapit nang matapos ang semestre. (Larawan: Reselient.ph / Google)
