Trahedya: Batang inutusang maghulog sa piso wifi, patay matapos mabundol ng dump truck
Robel A. Almoguerra Ipinost noong 2025-10-28 21:56:15
SAN ANDRES, QUEZON — Trahedya ang sinapit ng isang walong taong gulang na batang lalaki matapos mabundol ng dump truck sa Barangay Camflora, San Andres, Quezon noong Oktubre 26, 2025.
Ayon sa inisyal na imbestigasyon ng pulisya, inutusan umano ng kanyang ina ang biktima na maghulog ng pera sa piso WiFi machine malapit sa kanilang bahay. Habang tumatawid, bigla itong nabundol ng paparating na dump truck na minamaneho ng isang lalaki.
Agad na tumakas ang driver matapos ang insidente ngunit nahuli ito ng mga awtoridad sa bayan ng San Narciso, Quezon makalipas ang ilang oras. Dinala naman sa pinakamalapit na ospital ang bata ngunit idineklarang dead on arrival ng mga doktor.
Nahaharap ngayon ang driver sa kasong reckless imprudence resulting in homicide, habang patuloy na iniimbestigahan ng mga pulis kung may pananagutan din ang kumpanya o may-ari ng sasakyan.
Nagpaabot naman ng pakikiramay ang lokal na pamahalaan sa pamilya ng biktima at nanawagan ng mas mahigpit na pagpapatupad ng mga batas trapiko upang maiwasan ang ganitong mga trahedya. (Larawan: Quezon PNP / Facebook)
