Kritisismo sa mabagal na aksyon sa flood scam, sinagot ng Palasyo: ‘may due process’
Marijo Farah A. Benitez Ipinost noong 2025-10-28 12:14:00
OKTUBRE, 28, 2025 — Iginiit ng Malacañang na hindi maaaring madaliin ang imbestigasyon sa kontrobersiyang bumabalot sa mga flood control projects, sa gitna ng panawagan ng mga negosyante at manggagawa na agarang kumilos ang administrasyon laban sa korapsyon.
Sa press briefing sa Kuala Lumpur nitong Lunes, sinabi ni Presidential Communications Office Undersecretary Atty. Claire Castro na may mga hakbang nang ginagawa ang pamahalaan, ngunit kailangang igalang ang proseso ng batas.
“Sa mga naiinip, ang pamahalaan po ay nasa tamang pagkilos na naaayon sa batas. Nagmamadali? Yes, minamadali lahat pero hindi natin mamamadali ang lahat pero magba-violate tayo ng batas at ng human rights,” ani Castro.
Dagdag pa niya, “Kayo rin po ay mabibiktima kapag ka walang due process. So isipin natin, ang ginagawa ng pamahalaan ngayon ay may katungkulan sa due process.”
Ito ang tugon ng Palasyo sa panawagan ng mga business at labor groups na magsagawa si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ng “bold, concrete actions” upang maibalik ang tiwala ng publiko sa mga institusyon ng pamahalaan.
Kabilang sa mga mungkahi ng mga grupo ang reporma sa national budget process, pagbawi ng nakaw na yaman, at paglikha ng espesyal na dibisyon sa Sandiganbayan para sa mga kasong may kaugnayan sa korapsyon sa imprastraktura.
Sa tanong kung bakit wala pang hold departure order sa mga sangkot, paliwanag ni Castro: “Hindi po natin basta-basta maaaring tawagin or sabihin na ang isang tao ay hindi ka puwedeng magbiyahe – iyan naman po ay lalabag sa batas dahil lahat naman din po tayo ay may freedom of movement, iyan po ay isang constitutional right.”
Sinabi rin ni Castro na simula nang banggitin ni Marcos ang isyu sa kanyang SONA noong Hulyo, may mga aksyon nang isinagawa: “May mga na-freeze na assets, may mga kaso nang isinampa, at may mga immigration lookout bulletin orders na rin.”
Tungkol naman sa panukalang bigyan ng contempt powers ang Independent Commission on Infrastructure, sinabi ni Castro: “Wala man silang contempt powers, pero nagpapakita pa rin po ang mga iniimbestigahan. So ibig sabihin, cooperative pa rin po sila.”
(Larawan: Philippine News Agency | Facebook)
