Diskurso PH
Translate the website into your language:

Goodbye ayuda? ₱42-B social assistance fund sa 2026 budget gustong alisin ni Lacson

Margret Dianne FerminIpinost noong 2025-10-28 17:22:19 Goodbye ayuda? ₱42-B social assistance fund sa 2026 budget gustong alisin ni Lacson

MANILA — Inanunsyo ni Senate President Pro Tempore Panfilo Lacson na tatanggalin ng Senado ang ₱42 bilyong pondo para sa social assistance o ayuda mula sa unprogrammed appropriations ng panukalang 2026 national budget. 

Ayon sa mga mambabatas, ang ganitong klaseng pondo ay dapat ilagay sa regular na budget upang matiyak ang agarang implementasyon at transparency.

Sa isang panayam sa telebisyon, sinabi ni Lacson, “The House left some ₱42 billion in the unprogrammed appropriations for ayuda, and we will remove it.” Dagdag pa niya, “We expect a long discussion in the bicameral conference committee but we senators agreed that ayuda funds cannot be in the unprogrammed appropriations. They should be in the regular budget.”

Ang unprogrammed appropriations ay mga pondong maaari lamang gamitin kapag may sobrang kita ang gobyerno o kapag may natanggap na foreign grants. Dahil dito, nababahala ang mga senador na maaaring maantala ang pagbibigay ng ayuda sa mga nangangailangan kung mananatili ito sa ganitong klasipikasyon.

Ang hakbang ng Senado ay bahagi ng mas malawak na pagsusuri sa pambansang badyet, kabilang ang mga kontrobersyal na flood control projects na tinanggal mula sa locally funded items ng Department of Public Works and Highways (DPWH). Sa kabila nito, tiniyak ni Public Works Secretary Vince Dizon na may natitirang ₱15.7 bilyon para sa flood control sa 2026 budget.

Samantala, tiniyak ni House Speaker Faustino “Bojie” Dy III na magiging bukas sa publiko ang bicameral conference committee deliberations para sa ₱6.793 trilyong 2026 budget. 

“The bicam will be conducted in full transparency and will not be rushed,” ani Dy, kasabay ng pangakong bibigyan ng sapat na panahon ang mga mambabatas upang pag-aralan ang bicam report bago ito iratipika.

Ang pagtanggal sa ₱42 bilyong ayuda mula sa unprogrammed funds ay inaasahang magiging sentro ng diskusyon sa bicameral conference committee, kung saan pag-uusapan ng Senado at Kamara ang mga pagkakaiba sa kanilang bersyon ng General Appropriations Bill.