Diskurso PH
Translate the website into your language:

'Emman Atienza Bill' inihain laban sa online hate, harassment at fake news

Margret Dianne FerminIpinost noong 2025-11-03 16:15:15 'Emman Atienza Bill' inihain laban sa online hate, harassment at fake news

MANILA — Inihain ni Senate Deputy Majority Leader JV Ejercito ang Anti-Online Hate and Harassment Bill o mas kilala bilang “Emman Atienza Bill”, isang panukalang batas na naglalayong tugunan ang lumalalang cyberbullying, online defamation at pagkalat ng fake news sa bansa, lalo na laban sa kabataan at iba pang vulnerable na grupo.

Ayon kay Ejercito, habang nakatutulong ang social media sa pagsusulong ng katotohanan, nagiging espasyo rin ito para sa paninira, maling paratang at karahasang verbal. Sinabi niya, “While social media serves as a platform to advocate for truth, it has also given room for ruining reputations, spreading fake news, rumors, false accusations, and violence. In reality, there are no delete or edit buttons for the ones we have hurt.”

Ipinangalan ang panukala kay Emman Atienza, yumaong anak ng TV personality na si Kim Atienza, na naging biktima rin ng online bullying.

Batay sa UNICEF survey sa higit 1,200 batang Pilipino, maraming kabataan ang nakaranas ng unsafe at harmful online behavior, at karamihan sa kanila ay nananawagan ng mas ligtas na digital environment.

Sabi ni Ejercito, “With the primary objective to protect individuals from online harassment, this bill seeks to strengthen the implementation of laws that deter cyberbullying and online hate,” at inalala ang madalas na paalala ni Emman na “a little kindness.”

Binigyang-diin ng senador na dahil sa 86.75 milyong social media users at humigit-kumulang 10 oras ng internet use kada araw, mas mataas ang exposure ng mga Pilipino sa digital abuse.

Pinalalawig ng Senate Bill No. 1474 ang sakop ng Cybercrime Prevention Act at Anti-Bullying Act sa pamamagitan ng tahasang pagpaparusa sa cyberlibel, online hate speech, harassment, cyberstalking, at non-consensual sharing of private information, kabilang ang content na nag-uudyok ng diskriminasyon batay sa kasarian o sekswalidad.

Hindi kabilang sa parusa ang fair commentary, satire, kritikong pampubliko o opinyon, maliban kung naglalaman ito ng malinaw na kasinungalingan o paninirang-puri.

Inaatasan din ng panukala ang digital platforms na magtanggal ng harmful content sa loob ng 24 oras mula sa verified complaint o court order, mag-suspend o mag-ban ng offending users, at magtago ng digital evidence. Maaari silang pagmultahin o mawalan ng permit kung mabigong sumunod.

Magkakaroon din ng Victim Support and Protection Program sa ilalim ng DSWD, DOH at DOJ para magbigay ng psychosocial support, counseling, legal aid at proteksiyon. Sagot ng perpetrator ang gastos.

Paparusahan ang violators ng multa mula ₱50,000 hanggang ₱200,000 at posibleng pagkakakulong, depende sa bigat at dalas ng offense. Ang minors naman ay dadaan sa counseling at edukasyon para maituwid ang kanilang online behavior.

Binilin ni Ejercito na hindi layunin ng panukala na pigilan ang malayang pagpapahayag. “We need to bring back kindness online, where people pause and think before they post. We must prevent another tragedy where our fellowmen, especially the youth, are pushed to the breaking point by the vitriol of online hate.”

Ayon sa DICT, online libel ang isa sa top five cyber-related complaints noong 2024, na may 1,452 kaso, ngunit posibleng mas mataas ang aktwal na bilang dahil maraming hindi nairereport.

Sinabi ni Ejercito na ang panukalang ito ay tugon sa lumalalang digital harassment at mahalagang hakbang para gawing mas ligtas ang online spaces para sa lahat.