Bring me challenge ng isang pulis na ‘bring me drug pusher at drug user’, iniimbestigahan
Robel A. Almoguerra Ipinost noong 2025-11-03 22:08:07
NOBYEMBRE 3, 2025 — Iniimbestigahan ngayon ng Philippine National Police (PNP) ang isang pulis na nag-viral matapos mag-post ng “bring me challenge” video kung saan nag-aalok siya ng salapi kapalit ng pagdadala ng mga indibidwal na may kaugnayan sa ilegal na droga. Sa naturang video, makikitang nag-aalok ang pulis ng ₱2,000 sa sinumang makapagdala sa kanya ng unregistered na baril o drug user, at ₱5,000 naman para sa drug pusher. Ang video ay in-upload sa personal na social media account ng naturang pulis at agad na umani ng pambabatikos mula sa publiko dahil sa umano’y “pag-trivialize” ng mga seryosong krimen at paglabag sa mga umiiral na police protocols.
Ayon kay PNP spokesperson Brig. Gen. Roderick Augustus Tuaño, bagaman ginamit ng pulis ang sarili nitong pera para sa naturang challenge, malinaw na lumabag ito sa Police Operational Procedures (POP) — ang itinuturing na “bible” ng lahat ng kasapi ng pambansang pulisya.
Samantala, sinabi naman ni Anti-Cybercrime Group (ACG) Director Brig. Gen. Bernard Yang na kahit tinanggal na ng pulis ang video sa kanyang account, nakapag-secure na ang mga awtoridad ng kopya nito bilang bahagi ng isinasagawang imbestigasyon.
Tiniyak ng PNP na pananagutin ang naturang pulis kung mapatunayang lumabag ito sa mga umiiral na patakaran at alituntunin ng organisasyon. Dagdag pa ng pamunuan, mahigpit na ipinagbabawal sa mga pulis ang paggamit ng social media para sa mga aktibidad na maaaring makasira sa kredibilidad ng institusyon o magdulot ng maling interpretasyon sa kanilang tungkulin bilang tagapagpatupad ng batas. (Larawan: PNP-PIO / Facebook)
