Diskurso PH
Translate the website into your language:

Huli sa akto! Corrections officer, nagbebenta ng shabu sa loob mismo ng Bilibid

Marijo Farah A. BenitezIpinost noong 2025-11-03 09:11:44 Huli sa akto! Corrections officer, nagbebenta ng shabu sa loob mismo ng Bilibid

NOBYEMBRE 3, 2025 — Isang 27-anyos na jail officer ang nasakote sa aktong pagbebenta ng ilegal na droga sa loob mismo ng New Bilibid Prison Reservation sa Muntinlupa City nitong Linggo, Nobyembre 2.

Ayon sa ulat ng Station Drug Enforcement Unit (SDEU), isinagawa ang buy-bust operation dakong 2:25 ng hapon sa Barangay Poblacion, katuwang ang Inter-Agency Collaborative Group (IACG) at ang Directorate for Intelligence and Investigation ng Bureau of Corrections.

Nahuli ang suspek matapos bentahan ng hinihinalang shabu ang isang pulis na nagpanggap bilang buyer. Nakuha mula sa kanya ang apat na sachet ng umano’y shabu na tumitimbang ng 19.4 gramo at tinatayang nagkakahalaga ng P131,920 sa merkado.

Bukod sa droga, kinumpiska rin ng mga awtoridad ang P500 marked money, isang dark blue na motorsiklo, isang Glock 17 na baril na may limang bala, magazine, at itim na holster.

Kinilala ang suspek bilang isang bagong pasok na corrections officer na kamakailan lang idineklarang high-value individual (HVI) sa ilalim ng anti-drug watchlist. Agad siyang dinala sa opisina ng SDEU para sa dokumentasyon at masusing imbestigasyon.

Kakasuhan ang suspek ng paglabag sa Sections 5 at 11 ng Article II ng Republic Act 9165 o ang Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.

Sa panig ng mga otoridad, iginiit nila ang kahalagahan ng pagtutulungan ng mga ahensya para masawata ang bentahan ng droga sa loob ng mga pasilidad ng gobyerno.

“Ang operasyon na ito ay patunay na walang sinisino ang batas. Maging empleyado ng gobyerno, kapag lumabag, dapat managot,” pahayag ng isang opisyal ng SDEU. 

Patuloy ang imbestigasyon upang matukoy kung may iba pang kasabwat sa loob ng Bilibid.

(Larawan: Philippine News Agency)