Diskurso PH
Translate the website into your language:

Large-scale dredging ng Chinese company sa Zambales, pinaiimbestigahan ni De Lima

Marijo Farah A. BenitezIpinost noong 2025-11-03 15:48:03 Large-scale dredging ng Chinese company sa Zambales, pinaiimbestigahan ni De Lima

NOBYEMBRE 3, 2025 — Nanawagan si House Deputy Minority Leader at Mamamayang Liberal party-list Rep. Leila De Lima sa Malacañang na agad imbestigahan ang malawakang paghuhukay ng buhangin sa baybayin ng Zambales na isinasagawa umano ng China Harbour Engineering Company Ltd. (CHEC), kasunod ng mga reklamo mula sa mga mangingisda at residente.

Ayon sa grupong Pambansang Lakas ng Kilusang Mamamalakaya ng Pilipinas (PAMALAKAYA), ang walang regulasyong paghuhukay ay nagdulot ng matinding pagbagsak sa kita ng mga mangingisda at lalong nagpalala sa panganib ng pagguho sa mga baybayin.

“If these large-scale dredging operations are left unchecked, we would be neglecting the welfare and concerns of our countrymen,” babala ni De Lima.

(Kung hindi ito mapipigilan, tuluyan nating isinasantabi ang kapakanan ng ating mga kababayan.)

Giit pa ng kongresista, dapat tukuyin kung legal ba ang operasyon ng CHEC, gaano ito kalawak, at ano ang epekto nito sa kalikasan at sa kaligtasan ng mga komunidad sa baybayin.

Ang CHEC ay subsidiary ng China Communications Construction Company (CCCC), isang kumpanyang pag-aari ng estado ng China. Ayon kay De Lima, may mga ulat na sangkot ito sa mga isyu sa paggawa at may kaduda-dudang rekord sa ibang bansa.

“This Chinese infrastructure firm has already been reported to have a shady track record and to be involved in labor-related complaints — all the more reason for Malacañang to look into the situation in Zambales, as well as in other areas of the country facing similar issues,” aniya.

(Iniulat na ang Chinese infrastructure firm na ito ay may kaduda-dudang rekord at nasangkot sa mga reklamong may kaugnayan sa paggawa — lalo pang dahilan para silipin ng Malacañang ang sitwasyon sa Zambales, pati na rin sa iba pang bahagi ng bansa na may kaparehong problema.) 

Dagdag pa ni De Lima, maghahain siya ng resolusyon upang pormal na imbestigahan ang isyu sa Kongreso.

“Mawiwili lang lalo ang dayuhang kompanyang ito na ituloy ang kanilang mga aktibidad, kung saan baka bukas makalawa, tuluyan nang mawasak ang ating mga likas na yaman, mawalan ng kabuhayan ang mga apektadong komunidad, at huwag naman sana, magising na lang tayo sa isang sakuna kung saan marami tayong kababayan ang mapapahamak,” aniya. 

(Larawan: Philippine News Agency)