Metal debris na natagpuan sa baybayin ng Cagayan, posibleng mula sa Chinese rocket
Robel A. Almoguerra Ipinost noong 2025-11-03 22:21:39
CAGAYAN — Iniimbestigahan na ng Philippine Coast Guard (PCG) ang isang misteryosong metal debris na natagpuan sa baybayin ng Camiguin Island sa bayan ng Calayan, Cagayan, na pinaghihinalaang bahagi ng isang Chinese rocket na pinalipad kamakailan.
Ayon sa ulat ng PCG, natagpuan ng mga residente ang naturang metal habang naglalakad sa pagitan ng Sitio Nambaca, Sitio Bibigsan, at Sitio Dakel A Danum nitong Lunes, Nobyembre 3. Agad itong iniulat sa mga lokal na opisyal at sa mga awtoridad sa dagat upang masuri ang pinagmulan ng naturang bagay.
Pinaniniwalaang maaaring mula ito sa Long March rocket ng China na isinagawa ang launch sa parehong araw, batay sa preliminary assessment ng mga eksperto. Gayunman, nilinaw ng PCG na patuloy pa rin ang beripikasyon at koordinasyon sa Philippine Space Agency (PhilSA) upang matukoy ang eksaktong pinagmulan ng debris.
Nagbabala rin ang ahensya sa publiko na huwag hahawakan o kukunin ang anumang kahalintulad na bagay dahil posibleng naglalaman ito ng chemical residue o biohazard materials.
Mas mabuting ireport agad sa mga awtoridad kung may makitang kahina-hinalang bagay sa dagat o dalampasigan ayon sa PCG. (PCG / Facebook)
