Partygoer humarap sa Napolcom matapos mag-pulis costume sa Halloween
Margret Dianne Fermin Ipinost noong 2025-11-03 13:59:50
MANILA — Humarap sa National Police Commission (Napolcom) ang isang Halloween partygoer na nagbihis bilang pulis upang humingi ng paumanhin matapos umani ng batikos sa social media at sa hanay ng kapulisan.
Kinilala ni Napolcom Vice Chairperson at Executive Officer Rafael Calinisan ang indibidwal bilang si Daryll Isidro, na dumalo sa isang Halloween party sa Makati City suot ang isang uniporme ng pulisya. Ayon kay Calinisan, ang pagsusuot ng opisyal na uniporme ng pulisya bilang costume ay isang uri ng paglapastangan sa serbisyo ng mga tunay na alagad ng batas.
“It was not my intention to disrespect the police force’s uniform. I have high respect for you,” ani Isidro sa isang press conference sa tanggapan ng Napolcom sa Quezon City.
Nauna nang nagbabala si Calinisan sa pamamagitan ng isang Facebook post na magpapalabas siya ng Show Cause Order laban sa partygoer at hihingi ng public apology.
“Tomorrow, on behalf of all our policemen, I will issue a Show Cause Order against you and demand a public apology from you,” aniya. Dagdag pa niya, “If we do not hear from you, expect a case to be filed against you”.
Naglabas din ng pahayag ang Philippine National Police (PNP) sa pangunguna ni Acting PNP Chief P/LtGen. Jose Melencio Nartatez Jr., na nananawagan sa publiko na igalang ang uniporme ng pulisya.
“The PNP uniform symbolizes service, sacrifice, and integrity. Ginagamit natin ito bilang tanda ng ating tungkulin na maglingkod sa bayan kaya hindi ito dapat gawing costume o pantawid-gimik lang,” ani Nartatez.
Bagama’t walang kasong isinampa kay Isidro sa kasalukuyan, iginiit ng Napolcom na patuloy nilang babantayan ang mga insidente ng maling paggamit ng uniporme ng pulisya, lalo na sa mga pampublikong pagtitipon gaya ng Halloween.
Sa kabila ng insidente, tinanggap ng Napolcom ang paghingi ng paumanhin ni Isidro, ngunit muling pinaalalahanan ang publiko na ang uniporme ng pulis ay hindi dapat gamitin sa mga costume party o anumang aktibidad na maaaring makababa sa dignidad ng kapulisan.
Larawan mula ABS-CBN News
