Diskurso PH
Translate the website into your language:

Rice import ban, pinalawig hanggang Disyembre; presyo ng palay, layong isalba

Marijo Farah A. BenitezIpinost noong 2025-11-04 11:34:22 Rice import ban, pinalawig hanggang Disyembre; presyo ng palay, layong isalba

NOBYEMBRE 3, 2025 — Pinalawig ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang pagbabawal sa pag-angkat ng regular at well-milled rice hanggang katapusan ng Disyembre, ayon kay Agriculture Secretary Francisco Tiu Laurel Jr. Layunin ng hakbang na ito na pigilan ang patuloy na pagbagsak ng presyo ng palay sa mga lalawigan, lalo na ngayong kasagsagan ng anihan. 

Sa ilalim ng Executive Order No. 93, unang sinuspinde ang rice importation mula Setyembre 1 hanggang Oktubre 31. Ngunit dahil sa patuloy na pag-urong ng presyo ng palay, minabuti ng pangulo na palawigin pa ito ng dalawang buwan.

Bagama’t hindi gaanong naapektuhan ang presyo sa tingi at supply ng bigas, malaki ang naging epekto ng import ban sa presyo ng palay sa bukid. Mula sa dating P8 kada kilo sa ilang lugar, umakyat ito sa P13 hanggang P14 sa mga probinsyang gaya ng Isabela at Nueva Ecija. 

Sa ulat ng Department of Agriculture, pumalo pa sa P16.50 kada kilo ang presyo ng palay noong Setyembre 8–12, bago bumaba sa P13.50 pagsapit ng Setyembre 15–19.

Gayunpaman, nananatiling mababa ang presyo kumpara sa target floor price na P17 kada kilo para sa wet palay, na itinatakda sa ilalim ng Executive Order No. 100.

Ayon kay Tiu Laurel, ang pagpapalawig ng import ban ay bahagi ng mas malawak na plano para tulungan ang mga lokal na magsasaka, kabilang ang pagpapatupad ng Sagip Saka program at pagtatakda ng palay floor price para sa government procurement.

Naniniwala ang DA na sapat ang supply ng bigas sa bansa kahit pa ipatupad ang 120-araw na suspensyon ng importasyon. Samantala, nanawagan ang ilang grupo na unti-unting itaas sa 35% ang taripa sa imported rice upang mas maprotektahan ang lokal na produksyon.

(Larawan: PIA - Philippine Information Agency)