Diskurso PH
Translate the website into your language:

Seniors, hindi na etse-pwera? Panukala kontra sa age limit ng HMO, isinusulong sa Kamara

Marijo Farah A. BenitezIpinost noong 2025-11-03 18:34:32 Seniors, hindi na etse-pwera? Panukala kontra sa age limit ng HMO, isinusulong sa Kamara

NOBYEMBRE 3, 2025 — Isinusulong ngayon sa Kamara ang House Bill 2722 na layong ipagbawal ang diskriminasyon sa edad ng mga health maintenance organization (HMO) laban sa mga senior citizen.

Ayon kay Senior Citizens Party-list Rep. Rodolfo Ordanes, hindi makatarungan ang patuloy na paglimita ng ilang pribadong HMO sa serbisyo para sa mga matatanda, sa kabila ng umiiral na Expanded Senior Citizens Act (RA 9994).

Binanggit ni Ordanes na may mga HMO na bukas sa senior clients, ngunit marami pa rin ang tahasang tumatanggi o nagpapataw ng sobrang taas na premium na tila layong hadlangan ang pag-enroll ng mga matatanda.

“Some HMOs either deny access outright or impose excessive premiums and limited benefits based solely on age, effectively excluding our elderly population from private health coverage at the time they need it the most,” ani Ordanes. 

(May mga HMO na diretsong tumatanggi o nagpapataw ng sobrang taas na bayarin at limitadong benepisyo batay lang sa edad, na nagreresulta sa pag-etsapwera ng mga nakatatanda sa pribadong health coverage sa panahong pinaka-kailangan nila ito.)

Sa ilalim ng HB 2722, ipagbabawal ang pagtatakda ng age limit sa enrollment, renewal, at access sa health care services. Hindi rin papayagan ang pagtaas ng premium o pagbabawas ng benepisyo nang walang actuarial basis at aprubadong regulasyon.

“Maling etse-pwera ng kahit anong health maintenance organization at insurance company ang senior citizens sa pag-avail ng kanilang products at policies,” giit pa ng kongresista.

Dagdag pa niya, “Ang problema kasi disqualified agad ang senior bago pa man magsimula ang proseso ng pagtatanong hinggil sa insurance policies. Kung willing magbayad ng premiums, mali na pagbawalan ang mga seniors ng insurance products.”

Layon ng panukala na itama ang hindi pagkakapantay-pantay sa access sa health care, lalo na sa sektor na dapat tumutugon sa pangangailangan ng mga senior citizen.

(Larawan: Philippine News Agency)