P41M pondo para sa ICI, inaprubahan na ng Palasyo
Marijo Farah A. Benitez Ipinost noong 2025-11-05 19:50:16
NOBYEMBRE 5, 2025 — Inaprubahan ng Office of the President ang P41.48 milyong pondo para sa operasyon ng Independent Commission on Infrastructure (ICI) ngayong 2025, kasabay ng pagpayag sa paglikha ng 172 bagong posisyon sa ahensya.
Ayon kay ICI Executive Director Atty. Brian Hosaka, ang pondo ay magmumula sa contingent fund at ilalaan para sa gastusin sa operasyon, pagbili ng kagamitan, at sahod ng mga empleyado.
“The approved budget up to the end of 2025 is P41,481,000. This is chargeable to the contingent fund … [The Office of the President also] issued a favorable consideration for the creation of 172 contractual positions within the ICI, these approvals will definitely enable the commission to now efficiently and effectively carry out its mandates and core functions under Executive Order 94,” pahayag ni Hosaka.
(Ang aprubadong budget hanggang sa katapusan ng 2025 ay P41,481,000. Ito ay manggagaling sa contingent fund … [Nagbigay rin ng pabor ang Office of the President] para sa paglikha ng 172 contractual positions sa ICI. Malaking tulong ito para maisakatuparan nang maayos ang mandato ng komisyon sa ilalim ng Executive Order 94.)
Kabilang sa mga posisyong bubuksan ay para sa legal team, special investigation office, accounting unit, admin personnel, at support staff.
“Yung mga abogado natin ngayon, most of them are detailed to us by the government. But with this staffing pattern being approved now, and the budget hopefully to be downloaded soon to the commission, we would be able to accommodate our organic staff already which would be composed of lawyers, accountants, and engineers as well,” dagdag ni Hosaka.
(Yung mga abogado natin ngayon, karamihan ay naka-detail mula sa gobyerno. Pero dahil aprubado na ang staffing pattern at inaasahang maibaba na ang budget sa komisyon, makakakuha na tayo ng sariling tauhan gaya ng mga abogado, accountant, at engineer.)
Nilinaw rin niya na hindi agad mapupunan ang mga posisyon dahil dadaan pa ito sa hiring process. Aniya, mahalagang naumpisahan na ang proseso sa pamamagitan ng pag-apruba sa pondo at staffing pattern.
Wala pang inilalabas na detalye ang ICI kaugnay sa panukalang budget para sa 2026, ngunit gumagawa na sila ng internal team para rito.
(Larawan: Philippine News Agency)
