Diskurso PH
Translate the website into your language:

African Swine Fever kumalat sa La Loma, 14 tindahan ipinasara

Marijo Farah A. BenitezIpinost noong 2025-11-13 19:50:18 African Swine Fever kumalat sa La Loma, 14 tindahan ipinasara

NOBYEMBRE 13, 2025 — Ipinatupad ng lokal na pamahalaan ang agarang pagsasara sa 14 na lechonan sa La Loma, Quezon City matapos makumpirmang may mga baboy na nagpositibo sa African Swine Fever (ASF). Ang hakbang ay kasunod ng inspeksyong isinagawa ng City Veterinary Department (CVD) at Bureau of Animal Industry (BAI) na nagresulta sa rekomendasyong culling upang mapigilan ang pagkalat ng sakit.

Ayon sa Quezon City Business Permits and Licensing Department (BPLD), ang temporary closure order ay inilabas Miyerkules ng gabi batay sa rekomendasyon ng CVD, BAI, at City Health Department (CHD).

“Sa naturang inspeksyon, natuklasan na may mga baboy na nagpositibo sa African Swine Fever (ASF) kaya’t inirekomenda na isailalim sa culling ang mga baboy upang maiwasan ang pagkalat ng sakit,” pahayag ng pamahalaang lungsod. 

Nilinaw ng Quezon City government na nananatiling nakapaloob lamang sa La Loma ang ASF at walang panganib sa ibang pamilihan. Iginiit din na hindi nakahahawa sa tao ang naturang virus.

“Tinitiyak ng pamahalaang lungsod na nananatiling isolated ang ASF sa lugar, at walang banta ng ASF sa iba pang pamilihan sa lungsod. Hindi naipapasa sa tao ang ASF virus,” ayon sa opisyal na pahayag. 

Kasabay nito, nagsimula na ang malawakang disinfection sa mga apektadong establisimyento at naglagay na ng checkpoints upang kontrolin ang paggalaw ng mga baboy papasok at palabas ng La Loma.

Nakipagpulong din ang lokal na pamahalaan sa mga negosyanteng naapektuhan upang talakayin ang health at safety protocols na kailangan nilang sundin bago muling makapagbukas.

“Tinutulungan na ng lokal na pamahalaan ang mga negosyante para matiyak na susunod sa health and safety protocols ang mga lechonan nang muli silang makapag-alok ng de-kalidad na pagkain sa publiko,” dagdag ng lungsod. 

Samantala, nanawagan ang pamahalaang lungsod sa publiko na manatiling mapagbantay at makiisa sa pagpapanatili ng kalinisan at kaligtasan ng pagkain.



(Larawan: Philippine Information Agency)