Senado, binasura ang Zoom testimony ni Zaldy Co sa flood control probe
Marijo Farah A. Benitez Ipinost noong 2025-11-13 19:48:12
NOBYEMBRE 13, 2025 — Hindi na papayagan ng Senate Blue Ribbon Committee na makadalo online si dating Ako Bicol party-list Rep. Elizaldy “Zaldy” Co sa imbestigasyon hinggil sa umano’y maanomalyang flood control projects.
Ayon kay Senate President Pro Tempore Panfilo “Ping” Lacson, na muling namumuno sa komite, binawi niya ang naunang plano dahil posibleng magamit ni Co ang Zoom appearance para sa sariling interes.
“I didn’t push through with the initial plan to invite him via Zoom. On second thought, the hearing might afford him a platform to say anything he wants even with no probative value and worse, for propaganda purposes only without any accountability for at least possible contempt citation,” paliwanag ni Lacson.
(Hindi ko itinuloy ang unang plano na imbitahin siya sa Zoom. Sa muling pag-isip, baka magamit ang pagdinig para magsalita siya ng kahit ano na walang halaga bilang ebidensya at mas masahol pa, para lamang sa propaganda nang walang pananagutan sa posibleng contempt citation.)
Nauna nang sinabi ni Senadora Imee Marcos na inaasahang dadalo si Co sa Nobyembre 14 hearing sa pamamagitan ng Zoom. Ngunit agad itong itinanggi ni Lacson, na mas piniling ituon ang pansin sa pagbawi ng kanyang tinig para sa plenary debates sa 2026 national budget at sa susunod na pagdinig ng komite.
“More than Sen. Imee’s 'crystal ball', my bigger concern is how to recover my normal voice in time for tomorrow’s BRC hearing or this afternoon’s budget plenary debates which I have intended to interpellate. I’ve lost my voice since yesterday after drinking ice cold water with a sore throat last Tuesday night,” ani Lacson.
(Higit pa sa ‘crystal ball’ ni Sen. Imee, mas mahalaga sa akin kung paano ko maibabalik ang normal kong boses para sa pagdinig bukas ng BRC o sa plenary debates ngayong hapon na nais kong interpellate. Nawalan ako ng boses mula kahapon matapos uminom ng malamig na tubig habang may sore throat noong Martes ng gabi.)
Kinumpirma rin ng abogado ni Co na hindi makakadalo ang dating kongresista dahil sa gamutan sa Estados Unidos.
“Co's lawyer informed the committee saying Co is in the US, and is undergoing medication. He asked to be excused from tomorrow's hearing,” ayon kay Lacson.
(Ipinaalam ng abogado ni Co sa komite na nasa US siya at sumasailalim sa gamutan. Humiling siyang huwag munang dumalo sa pagdinig bukas.)
(Larawan: Reddit)
