P2.2-M 'tuklaw' cigarettes, nasabat sa buy-bust operation sa Marikina
Marijo Farah A. Benitez Ipinost noong 2025-11-13 20:10:43
NOBYEMBRE 13, 2025 — Arestado ang apat na lalaki, kabilang ang dalawang motorcycle taxi riders, matapos mahulihan ng mahigit P2.2-milyong halaga ng sigarilyong may halong synthetic cannabinoids o “tuklaw” sa isang buy-bust operation sa Marikina City nitong Huwebes ng madaling-araw, Nobyembre 13.
Kinilala ng Eastern Police District (EPD) ang mga suspek na sina “Shane,” 21; “Fin,” 26; “Zardo,” 20; at “Luke,” 20. Nahuli sila sa Barangay Nangka bandang alas-2 ng umaga sa operasyon ng Station Drug Enforcement Unit (SDEU) na isinagawa sa pakikipagtulungan ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA).
Nakumpiska mula sa grupo ang kabuuang 631 pakete ng “tuklaw” na tinatayang nagkakahalaga ng P2,208,500. Bukod dito, nakuha rin ang apat na sachet ng hinihinalang high-grade marijuana o “kush” na may timbang na halos walong gramo at tinatayang nagkakahalaga ng P12,000.
Ayon sa EPD, ang lahat ng ebidensiya ay dadalhin sa EPD Forensic Unit sa Barangay Mauway, Mandaluyong City para sa pagsusuri sa laboratoryo.
Sa ngayon, nakakulong ang mga suspek sa Marikina CPS Custodial Facility habang inihahanda ang kasong isasampa laban sa kanila sa ilalim ng Article II, Section 5 at Section 11 ng Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.
Sa pahayag ng pulisya, binigyang-diin nila ang kahalagahan ng operasyon bilang bahagi ng tuloy-tuloy na kampanya laban sa ilegal na droga.
“This operation is a clear message that we will not tolerate the distribution of dangerous substances in our communities,” ayon sa isang opisyal ng EPD.
(Malinaw na mensahe ang operasyong ito na hindi namin kukunsintihin ang pamamahagi ng mapanganib na substances sa ating mga komunidad.)
Ang pagkakahuli sa apat ay itinuturing na malaking hakbang ng mga awtoridad laban sa pagkalat ng “tuklaw,” na patuloy umanong nagbabanta sa kalusugan ng publiko.
(Larawan: National Tobacco Administration)
