LTO, sinuspinde ng 90 araw ang lisensya ng driver na sangkot sa road rage sa Quezon City
Robel A. Almoguerra Ipinost noong 2025-11-13 22:22:14
QUEZON CITY — Sinuspinde ng Land Transportation Office (LTO) ng 90 araw ang lisensya ng isang driver na sangkot sa road rage incident sa Aurora Boulevard, Quezon City, kung saan sinaktan umano nito ang isang senior citizen.
Ayon sa ulat, ibinahagi ng complainant sa Facebook na binusinahan ng driver ng Toyota Altis ang kanyang amang nagmamaneho ng motorsiklo. Sinadya pa umano nitong tamaan ng pinto ang matanda at suntukin ito sa gitna ng kalsada.
Bago pa ang insidente, nasagi rin umano ng naturang driver ang isa pang rider. Dahil dito, ipinatatawag na ng LTO ang suspek sa Nobyembre 14 upang magpaliwanag. Siya rin ang rehistradong may-ari ng nasabing sasakyan.
Posibleng maharap ang driver sa mga kasong Reckless Driving at Improper Person to Operate a Motor Vehicle.
Nagpaalala naman si Acting DOTr Secretary Giovanni Lopez sa lahat ng motorista na pairalin ang disiplina at respeto sa kalsada, sa halip na hayaan ang galit o emosyon na magdikta ng kanilang asal sa daan. (Larawan: VISOR / Facebook)
